Martin1

Mga malalaking political party sa bansa suporta sa pagka-Speaker ni Rep. Romualdez

152 Views

PUMANIG na kay House Majority Leader at reelected Leyte Rep. Martin Romualdez ang mga malalaking partido politikal sa bansa.

Kaya naman inaasahan na ang pamumuno ni Romualdez sa isang supermajority coalition kapag nailuklok na itong Speaker ng 19th Congress sa Hulyo.

Naunang sumuporta kay Romualdez ang National Unity Party (NUP).

Noong Sabado ay nagpulong ang Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI) na mayroong 60 miyembro sa Kamara de Representantes at ipinahayag ang kanilang suporta sa pagka-Speaker ni Romualdez.

Naglabas din ng pahayag ang PDP-Laban, ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte, at ang Nacionalista Party (NP) noong Sabado (Mayo 14) at sinuportahan ang pamumuno ni Romualdez.

Ngayong Linggo (May 15) ay naglabas naman ng manifesto ang Nationalist Peoples Coalition (NPC) para ipahayag ang kanilang suporta kay Romualdez, na siyang pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats.