Bam

Mga rekisito ng gobyerno na pabigat sa maliit na negosyo, ipapasuri ni Aquino sa Senado

15 Views

NAIS ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na suriin ng Senado ang mga rekisito at regulatory process ng gobyerno na nagpapabigat sa maliliit na negosyo, kabilang ang pagkuha ng permit at pagsunod sa mga patakaran sa buwis.

Inihayag ni Aquino ang plano matapos makipagpulong sa pharmacist at content creator na si Arshie Larga, na nagbahagi ng mga suliraning kinakaharap ng mga may-ari ng maliliit na negosyo sa pagkuha ng permit, pagtupad sa tax requirements at pagdaan sa iba pang proseso ng pamahalaan.

“Gusto natin magpa-hearing tungkol sa mga nagpapahirap sa maliliit na negosyo. Iisa-isahin natin para na matigil na iyan,” sinabi ni Aquino.

Ayon sa senador, dapat tumigil ang gobyerno sa pagiging sagabal sa micro, small and medium enterprises at sa halip ay tulungan silang makapagpatakbo at mapalago ang kanilang negosyo.

“The government should go from nagpapahirap, towards ‘di na kami sagabal’, towards the ultimate goal na kami na ang tumutulong,” dagdag niya.

Nagpahayag naman si Larga ng pag-asang mas mararamdaman ng maliliit na negosyo ang suporta ng pamahalaan.

“With your leadership, hopefully maramdaman naming mga small businesses ang tulong from the government. At the end of the day, gusto niyong tulungan kami, gusto rin naming tulungan ang gobyerno in the best way we can,” sinabi ni Larga.

Sinabi ni Aquino na patuloy niyang isusulong ang mga repormang magpapadali sa pagnenegosyo at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa MSMEs.

Noong una niyang termino sa Senado, naging author at sponsor si Aquino ng Go Negosyo Act habang nagsisilbing chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship sa 16th Congress.

Nagbibigay ang batas sa MSMEs ng access sa merkado at financing, training at capacity-building programs, at mas pinasimpleng proseso ng pagpaparehistro ng negosyo.

Isinusulong din ni Aquino ang magkakahiwalay na panukala tungkol sa excise tax sa gasolina, income-tax exemption threshold, VAT sa pagbebenta ng kuryente at pangkalahatang VAT rate.

Ayon sa senador, layunin ng mga panukala na mabawasan ang gastusin ng mga manggagawa, producer at maliliit na negosyo.