Rape Nakorner ng mga operatiba ng MPD Delpan Police Station 12 ang rape suspek na isang e-trike driver matapos mamataan sa Binondo, Manila. Mga kuha ni JON-JON C. REYES

Minor ginahasa ng e-trike driver na nakilala sa FB; suspek huli

Jon-jon Reyes Sep 3, 2025
341 Views

NAKORNER ang 22-anyos na lalaki na may kasong rape ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Delpan Police Station 12, matapos maispatan Lunes ng gabi sa Binondo, Manila.

Nakilala ang suspek na si alyas “Angon Angel,” 22-anyos na binata, e-trike driver at kasalukuyang naninirahan sa Tondo, Manila.

Ayon kay PLt. Col. Francis Balais, hepe ng MPD Delpan Police Station 12, bandang 5:45 ng hapon ay nagsagawa ng manhunt operation ang personnel ng Intelligence and Warrant and Subpoena Section, sa pangunguna ni PLt. Ferdinand G. Omli, at naispatan ang suspek sa may Barangay 269, Binondo, Manila, na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Bitbit ng mga operatiba ang arrest warrant ng suspek na inisyu noong Agosto 25 ni Judge Mariesther B. Vedaña ng Regional Trial Court Branch 48, Manila City. Ang akusado ay nahaharap sa krimeng statutory rape at walang inirekomendang piyansa sa kanya.

Ayon sa karagdagang detalye, sinabi ni Omli na nangyari ang krimen noong Mayo 2025 sa Intramuros. Ang biktimang 16-anyos na estudyante ay naging kaibigan sa FB ng suspek. Matapos niyang makuha ang loob at gahasahin ang menor de edad ay hindi na makontak at nagtago ang akusado.

Ang akusado ay kasalukuyang nakakulong sa custodial facility ng MPD Delpan Police Station, habang nakabinbin ang pagbabalik ng arrest warrant nito sa korteng pinagmulan.