Dy

Miyembro ng Kamara pinasalamatan ni Speaker Dy para masiguro transparent na ’26 budget

300 Views

SI Speaker Faustino “Bojie” Dy III, bandang hatinggabi ng Biyernes, ay nagpasalamat sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan, mga empleyado ng Kamara, at mga ahensya ng gobyerno sa kanilang dedikasyon at mahabang oras ng trabaho na nagbigay-daan upang matapos ang mga sponsorship at plenary debates hinggil sa panukalang P6.3-trilyong pambansang budget para sa 2026.

“Buong puso akong nagpapasalamat sa lahat ng kasamahan natin dito sa Kamara, lalo na sa mga empleyado na walang sawang nagtrabaho,” ayon sa lider ng Mababang Kapulungan.

“Ilang araw tayong nag-overtime, may mga pagkakataong umabot hanggang alas-tres ng umaga ang ating sesyon, pero hindi natin ito ininda dahil ang hangarin natin ay maisagawa ang masinsinan at bukas na deliberasyon.”

Binigyang-pugay din ni Speaker Dy ang mga kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno na nakibahagi sa mga sesyon upang tulungan ang mga sponsor ng budget ng kanilang mga ahensya sa pagpapaliwanag ng kanilang mga budget at pagsagot sa mga tanong mula sa mga mambabatas.

“Salamat din sa lahat ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ang inyong kooperasyon at tulong ay napakahalaga sa ating proseso,” dagdag pa niya.

Inulit ni Dy ang pangako ng Mababang Kapulungan sa isang bukas at transparent na proseso ng budget, at tinukoy ang inisyatiba ni Rep. Mikaela Suansing, Chairperson ng Appropriations Committee at kinatawan ng 1st District ng Nueva Ecija, na nagsiguro na ang mga deliberasyon para sa 2026 budget ay mas accessible sa publiko sa pamamagitan ng mga live-streamed na pagpupulong ng Budget Amendments Review Sub-committee.

Ayon kay Speaker Dy, “Makakaasa ang ating mga kababayan na mananatiling bukas at transparent ang ating proseso.”

“Sinabi ko po nung ako’y nahalal bilang Speaker, sisiguraduhin natin na ang bawat sentimo na paglalaanan ng budget sa bawat ahensya ay tutugma sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Itutuloy po namin na pagtulungan makapagpasa ng isang bukas, maayos, at malinis na budget,” aniya.