Valeriano

Monitoring system sa paggastos ng mga ahensiya magpapanumbalik sa tiwala ng publiko

Mar Rodriguez Oct 20, 2025
244 Views

NANINIWALA si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano na magsisilbing epektibong pamamaraan ang panukalang “monitoring system” upang unti-unting bumalik ang tiwala ng mamamayang Pilipino sa pamahalaan na nabahiran umano ng dungis bunsod ng mga natuklasang katiwalian.

Aminado si Valeriano, Chairman ng House Committee on Public Order and Safety, na nagsilbing malaking dagok para sa gobyerno ang umano’y iregularidad sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa multibilyon-pisong kickback sa flood control projects.

Paliwanag ni Valeriano na dahil sa pangyayaring ito, hindi tuloy maiwasan na madamay at pagdudahan ng publiko ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na pinaghinihinalaan nilang sangkot din sa katiwalian kahit wala naman katibayan.

Dahil dito, sinabi ng beteranong kongresista na hindi naman maaaring sisihin ang publiko kung bakit ganito ang kanilang maging pananaw sapagkat galing sa binabayaran nilang buwis ang pondong napupunta sa bawat ahensiya ng pamahalaan na nakapaloob sa 2026 proposed national budget na inaprubahan ng Kamara de Representantes.

Ayon kay Valeriano, ang pinapanukalang monitoring system ng Kongreso para mabantayan ang ginagawang paggastos ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa pondong inilaan para sa kanila ang maaaring pumawi sa mga agam-agam ng mamamayang Pilipino at sa kalaunan ay unti-unting magpanumbalik sa kanilang tiwala sa gobyerno.

Nauna nang sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy G. III na ang naturang sistema ay kabilang sa mga reporma na maaaring ipatupad upang matiyak na hindi lamang nabuo ang pondo ng pamahalaan na mayroong transparency kundi pati narin ang pagtitiyak na may pananagutan ang gagawing paggastos dito ng bawat ahensiya ng pamahalaan.

Binigyang diin ni Valeriano na sa pamamagitan ng monitoring system. Makakatiyak ang mamamayan na hindi napupunta sa bulsa ng sinomang opisyal ang pondong inilaan para sa kaniyang ahensiya katulad ng nangyari sa Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).