‘Motornaper’ na, me granada pa

506 Views

NAARESTO ng mga awtoridad ang 40-anyos na lalaki na sinasabing nagnakaw ng motorsiklo at nakumpiskahan pa ng isang granada sa Novaliches, Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Remus Medina ang naarestong suspek na si Elvin Olavere, 40, residente ng Villareal, Brgy. Gulod, Novaliches, habang tinutugis pa ang nakatakas niyang kasamahan na si Leonardo Cariño.

Batay sa ulat ng QCPD-Novaliches Police Station (PS 4) sa pamumuno ni PLTCOL Richard Ian Ang, dakong alas-11:30 ng gabi (Pebrero 7), nang iparada ng biktimang si Paul John Hermoza ang kanyang motorsiko sa kahabaan ng Quirino Highway, Rockville Ave., Brgy. San Bartolome, Novaliches.

Laking gulat umano ni Hermoza nang bigla na lamang sumakay sa motorsiklo ang dalawang lalaki at pilit na inutusan ang biktima na magmaneho papuntang P. Dela Cruz St..

Pagdating sa naturang lugar ay tinangay ng mga suspek ang motorsiklo at iniwan ang biktima sa harap ng Cathay Metal.

Dumulog naman ang biktima sa Brgy. San Bartolome, Novaliches, upang humingi ng pahintulot na suriin ang CCTV at doon nila nakita ang nangyaring pagtangay ng motorsiklo.

Inireport naman nila ito sa Novaliches Police Station na agarang tumugon at ikinasa ang isang follow-up operation.

Dakong ala-1:30 ng madaling araw naman ng Pebrero 10, 2022 nang makatanggap ng impormasyon ang mga kapulisan hinggil sa kinaroroonan ng mga suspek at ang ninakaw na motorsiklo.

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang mga pulis at agad na tinungo ang kahabaan ng Villareal Dulo Kaliwa, Brgy. Gulod, Novaliches.

Dito nakita ng mga pulis ang mga suspek sa nasabing lugar subalit pinigilan sila nina Liezel Tagle at Mariclaire Cruz sa pag-aresto dahilan para makatakas ang isa sa mga suspek na si Cariño.

Naaresto naman ng mga pulis si Olavere, at binitbit na rin sa presinto sina Tagle at Cruz dahil sa obstruction of justice.

Narekober rin ng awtoridad mula sa suspek ang motorsiklo na Honda Click 125 na pagmamay-ari ng biktima, gayundin ang isang hand grenade.

Si Olavere ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016 at RA 9516 o Possession of Explosive habang sina Tagle at Cruz naman ay kakasuhan ng RA 1829 o Obstruction of Justice sa piskalya. Ni MELNIE RAGASA-JIMENA