Calendar
Source: LTFRB/FB
Mystery riders pinakalat ng LTFRB sa mga UV Express
NAGPAKALAT ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mystery riders sa mga UV Express bilang bahagi ng kampanya laban sa mga sira, marumi at mabahong pampublikong sasakyan.
Siyam na UV Express ang hinuli ng LTFRB Law Enforcement Unit noong Agosto 12 na karamihan ay bumibiyahe sa mga rutang Bulacan-Metro Manila.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II, magpapatuloy ang operasyon laban sa mga operator na nagpapabaya sa kondisyon ng kanilang mga unit at patuloy na nagpapabiyahe ng mga hindi maayos na sasakyan.
“Walang lugar sa sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa ang mga sira, marumi at mabahong PUV,” ani Mendoza.
Nagpalabas na rin ang LTFRB ng show cause order (SCO) laban sa siyam na operator, na inaatasang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang prangkisa dahil sa kabiguang magbigay ng komportable at maayos na serbisyo sa publiko.
Ang pagkansela ng certificate of public convenience (CPC) ay nangangahulugang hindi na papayagang mag-operate ang naturang PUV.
Bukod sa UV Express, patuloy ring tinututukan ng LTFRB ang mga taxi, bus, pampasaherong jeep at ride-hailing service na gumagamit ng sira, marumi at mabahong unit. Ilang SCO na rin ang inilabas kaugnay ng mga naturang paglabag.
Nagsasagawa ng inspeksyon si Mendoza sa Metro Manila upang masuri ang kondisyon ng mga PUV. Sa kanyang pinakahuling inspeksyon, tatlong PUV sa Intramuros, Manila ang pinatawan ng SCO.
Kabilang sa mga reklamo ang mahinang air-conditioning, kupas na mga marka at hindi magandang amoy, mga problemang napatunayang may basehan matapos mahuli ang siyam na UV Express.
Hinimok din niya ang mga commuter na i-report sa LTFRB ang mga sira, marumi at mabahong PUV, gayundin ang mga lumalabag at mapang-abusong drayber, sa pamamagitan ng LTFRB Hotline 1342 o mga social media account ng ahensiya.

