Huli Ang suspek na nagpalit ng presyo ng biniling beef sa isang mall sa Sta. Cruz, Manila.

Nagpalit ng presyo ng biniling beef tiklo sa sekyu

Jon-jon Reyes Jan 28, 2025
28 Views

ARESTADO ang lalaking nabuking na pinalitan ang presyo ng biniling beef bago bayaran sa isang mall sa San Lazaro, Sta. Cruz, Manila noong Lunes.

Nahaharap sa kasong paglabag na Art 315 ng Revised Penal Code (estafa) ang suspek na si alyas Jonathan, 49, ayon sa report.

Ayon sa salaysay ng umarestong security guard, bandang alas-1:20 ng hapon nakita niya ang suspek na nag-order ng pork cutlet sa mall fresh area.

Pagkatapos nito, kinuha ng suspek ang isang beef sukiyaki sa display at tinanggal ang tag price nito at inalis din ang tamang price tag ng pork cutlet na inorder niya.

Sinundan ng arresting officer ang suspek hanggang sa makarating sila sa cashier kung saan binayaran ng suspek ang pork cutlet gamit ang price tag ng beef sukiyaki.

Nang mga sandaling iyon, nilapitan ng sekyu ang suspek at nang tingnan ang resibo, doon na nadiskubre ang pandaraya ngang binayaran ng suspek ang pork cutlet gamit ang beef sukiyaki price tag.

Dito na inaresto ang suspek at dinala sa SM Security Office para sa inisyal na imbestigasyon at kalaunan itinurn-over sa Blumentritt police kung saan sila tinulungan ng mga rumespondeng pulis.