bro marianito

Nakahanda ka na ba? (MATEO 24:42-51)

26 Views

HesusKAYA’T maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon”. (MATEO 24:42)

Minsan ang buhay ng tao ay maikukumpara at mistulang pagsusulit o isang eksaminasyon sa loob ng paaralan, sa kadahilanang ang isang teacher ay biglang nagkakaroon ng “surprise quiz” o kaya naman ay surprise oral examination.

Ganoon din ang kadalasang nangyayari sa buhay natin bilang mga tao, minsan sa hindi inaasahang pagkakataon.

Ang ating kakilala ay mababalitaan na lamang natin na sumakabilang buhay na pala. Ang natural na reaksiyon natin ay mabibigla o magugulat tayo.

Kau-kausap lamang natin kanina, subalit lumipas lamang ang sandali ay mababalitaan na lang natin na “iniwanan” na pala tayo.

Gaya ng aking matalik na kaibigan sa kolehiyo na si Ferdinand “Andy” Madamba na kamakailan lamang ay pumanaw sa edad na 54. Nakakabigla at nakakagulat, ngunit tandaan natin na ang ating buhay dito sa ibabaw ng mundo ay pansamantala lamang dahil “WALANG FOREVER” ang buhay ng tao dito sa ibabaw ng mundo.

Ang anomang hiniram ay obligado tayong ibalik. Sapagkat ang lahat na mayroon tayo dito sa ibabaw ng mundo ay hindi natin tunay na pag-aari dahil ito ay ipinahiram lamang sa atin ng Panginoong Diyos.

Mula sa ating talento, talino, katanyagan, kayamanan, ari-arian at maging ang ating sariling buhay ay ipinahiram lamang sa atin.

Kaya naman, binigyan tayo ng KALAYAAN NG DIYOS KUNG ANONG KLASE NG BUHAY ANG GUSTO NATING TAHAKIN HABANG TAYO AY NARIRITO SA IBABAW NG LUPA. Isang pamumuhay ba na naka-angkla sa kabutihan o isang buhay na nagtatampisaw sa kasamaan.

Ito ang paalala ni Jesus sa ating Pagbasa (Mateo 24:42-51) para sa araw na ito (Agosto 27) patungkol sa “paghahanda”. Kung saan, kinakailangan daw nating paghandaan ang pagdating ng Panginoon gaya ng paghahanda sa pagdating (pagsalakay) ng isang magnanakaw na magtatangkang pumasok sa loob ng ating pamamahay. (Mateo 24:43-44)

Kaya’t pinapaalalahanan tayo ni Jesus na gaya ng pag-aabang sa gagawing pagsalakay ng magnanakaw na inihahalintulad sa pagdating ng ating “kawakasan”.

Kinakailangan nating maging listo (alerto), matalino at wais sapagkat ang buhay natin ay walang katiyakan kung kailan at saan. Katulad sa pagdating nga ng magnanakaw.

SA ATING BUHAY PANANAMPALATAYA:

Hindi naman hinihingi sa atin ni Jesus ang pumasok sa loob ng Kombento para mag-Pari o mag-Madre para lamang paghandaan ang pagdating ng Panginoon.

Ang kailangan lamang natin gawin ay mga sumusunod: 1. Pagsikapan natin mamuhay ng may pagmamahal at katapatan sa Diyos, 2. Sikapin natin na mamuhay ng may pagmamahal sa ating kapwa, pagsikapan nating sumunod sa mga aral, utos at kalooban ng Panginoong Diyos at pagsikapan natin ang mamuhay ng tama at may kabanalan.

Tigilan mo na ang iyong kahambugan, tigilan mo na ang iyong kasakiman, lubayan mo na ang pakiki-apid, kahalayan at maging ang pagnanakaw sa pera ng taongbayan.

Tandaan lamang natin na ang nagtanim ng kasamaan ay mag-aani ng kapighatian.

Samantalang ang nagpunla ng kabutihan ay tiyak na magmamana at mag-aani ng kaluwahatian. Ikaw ang magde-desisyon para sa iyong sarili at ikaw ang guguhit sa iyong kapalaran.

Tiyakin mo lamang na ang tatahakin mong landas ay ang DAANG PATUNGO SA DIYOS AT HINDI SA KAPAHAMAKAN.

ANG MENSAHE NI JESUS:

Sa buhay, marami tayong maaaring ipagpaliban, ang pagpapatawad, pagtulong, pananalangin, pagpapakita ng pagmamahal at paggawa ng kabutihan.

Ngunit hindi natin hawak ang bukas. Kaya ang tanong ay hindi lamang: “Handa ba ako sa pagdating ng Panginoon?” kundi, “Kung dumating siya ngayon, makikita ba niya akong tapat sa aking tungkulin?”

Ang tunay na paghahanda ay “hindi tungkol sa takot sa kamatayan” o sa hinaharap. Ito ay tungkol sa pamumuhay nang tama sa kasalukuyan na may malasakit sa kapwa, may katapatan sa tungkulin, may pagpapatawad sa nagkasala at may pusong laging nakasandig sa Diyos.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon, turuan mo akong maging mapagmatyag at tapat sa bawat araw ng aking buhay.

Huwag Mo akong hayaang maging kampante sa paggawa ng mabuti at huwag Mo akong hayaang ipagpaliban ang mga bagay na dapat kong gawin ngayon.

Bigyan mo ako ng pusong marunong magmahal, magpatawad at maglingkod kahit walang nakakakita. Sa bawat pagsubok at responsibilidad, tulungan Mo akong manatiling tapat sa aking tungkulin.

Kapag dumating ang oras na kami ay Iyong tawagin, nawa’y matagpuan Mo kaming handa, hindi dahil perpekto kami, kundi dahil buong puso kaming nagsikap na mamuhay ayon sa Iyong kalooban.

Amen.