Calendar
P10K cash gift para sa mga lolo’t lola ‘walang kasiguruhan’
NOON pa natin naririnig ang hinaing ng mga senior citizen na umabot sa edad na 80-pataas hinggil sa kawalan ng kasiguruhan kung kailan nila matatatanggap ang P10,000 benepisyo sa ilalim ng Expanded Centenarian Act.
Sa ilalim ng naturang batas, pagkakalooban ng P10,000 cash gift ang mga lolo at lola na sasapit sa edad na 80, 85, 90, at 95, habang P100,000 naman sa makakaabot ng 100 taong gulang.
Kung tutuusin, napakadali lang ng mga inilatag na hakbang sa ilalim ng batas para matanggap kaagad ang P10k na benepisyo, kabilang nan ga rito ang pagsusumite ng kinakailangang dokumento sa lokal na Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) o sa Local Social Welfare and Development Office.
Hindi naman mahirap maghanda ng mga patunay ng edad tulad ng birth certificate, o valid na identification card na magpapakita ng petsa ng kanilang kapanganakan at tsaka puwede itong isumite ng sinumang miyembro ng pamilya ng senior citizen.
Kapag natapos na ang pagsusumite ng dokumento sa OSCA, kinakailangan na ang pakikipag-ugnayan sa National Commission of Senior Citizen (NCSC) para sa pagpo-proseso ng kanilang aplikasyon.
Dito ang naging problema dahil karamihan sa mga lolo at lola, kinulaba na ang mata sa tagal ng paghihintay ng cash gift, habang may natigok na nang hindi man lang sumayad sa kanilang palad ang benepisyo.
Kaya nga nito lang araw ng Lunes, naghain na ng reklamo sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang grupo ng Marilag Senior Citizens Association (MSCA) na may mahigit 1,000 miyembro na nakabase sa Quezon City laban sa NCSC
Pero paliwanag ng NCSC, kulang daw sila sa tao kumpara sa dami ng mga senior citizen na nag-apply kaya natatagalan talaga ang pagpu-proseso.
Totoo naman talaga na kulang sila sa tao dahil 74 na porsiyento o 165 na posisyon ang bakante pa rin sa NCSC na hindi nila mapunuan dahil sa umano’y kakulangan ng budget.
Pero ngayong aprobado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagdaragdag ng posisyon sa naturang ahensiya, wala na siguro silang maikakatuwiran sa mga kuwalipikadong lolo at lola na “nganga” pa rin sa kanilang inaasahang P10k cash gift.
Opisyal ng isang lokal na pamahalaan sa Metro Manila, sibak sa katiwalian
USAP-USAPAN sa apat na sulok ng isang lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang pagkakasibak sa hepe ng isang departamento dahil sa umano’y pagkakasangkot sa katiwalian.
Para nga hindi masyadong halata, pinalabas na lang na nag-resign sa tungkulin ang opisyal na hindi naman bago sa pandinig ng marami dahil nangyayari naman talaga ito kahit sa mga ahensiya ng national government na tinatawag na graceful exit.
Pero alam niyo ba na ang labis na nagalak nang masibak sa puwesto ang opisyal, ay walang iba kundi ang kanyang mga tauhan na grabe umano kung pahiyain gayung kinakaltasan naman daw ang mga itong kanilang sahod.
Ipinagmamalaki kasi noon nitong opisyal na super-duper ang lakas niya sa isang opisyal ng lokal na pamahalaan kaya hindi siya matitinag sa puwesto.
Kaya lang, ipinagkanulo pala siya ng sariling kayabangan kaya nabisto ang kanyang kalokohan,
Ang opisyal na sinibak sa puwesto dahil nabisto ang katiwalian ay may letrang T, as in Timang, sa kanyang pangalan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
