NAPOLCOM pinasibak sa pwesto parak na namahiya

Jun I Legaspi Jan 25, 2026
212 Views

IBINALITA ng National Police Commission (NAPOLCOM) na inalis na sa pwesto at iniimbestigahan na si Police Corporal Michel De La Paz, ang pulis na namahiya ng volunteer firefighter ilang araw na ang nakalipas.

Inatasan na din ang Inspection, Monitoring, and Investigation Service (IMIS) na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa insidente.

Agad na inalis ng Marikina police si P/Cpl De La Paz sa kanyang puwesto at inilagay sa holding unit ng Marikina Police Headquarters Support Service (HSS).

Bagama’t ito ay isang kinakailangang unang hakbang, hindi dito nagtatapos ang pananagutan sa administratibo, ayon sa NAPOLCOM.

Bilang “police of the police,” titiyakin ng NAPOLCOM na ang mga tunay na karapat-dapat lamang ang mananatiling suot ang uniporme at badge ng kapulisan.

“Sa gitna ng aming pagsisiyasat, nakatanggap kami ng impormasyon na ang volunteer firefighter na sangkot sa insidente ay nakatakdang magsumite ng pormal na reklamo sa NAPOLCOM sa Lunes.

Ito ay isang positibong hakbang, sapagkat magbibigay-daan ito sa mas kumpletong at makatarungang pagtukoy ng pananagutan,” sabi ng NAPOLCOM.

Bilang mga lingkod-bayan, titiyakin ng NAPOLCOM na ang kapulisan ay mananatiling tapat sa kanilang mandato–maglingkod at magprotekta sa sambayanan sa lahat ng oras.