Calendar
Ang wanted na Korean national na inaresto ng National Bureau of Investigation kasama ang Bureau of Immigration sa isang condominium sa Parañaque City.
NBI natimbog Koreano na wanted ng Interpol sa panloloko
NATIMBOG ang isang wanted na Korean national ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) International Operations Division, matapos magsagawa ng operasyon noong Biyernes sa Barangay Tambo sa Parañaque City.
Kasama ng NBI ang Bureau of Immigration–Fugitive Search Unit (BI-FSU) at mga kinatawan mula sa Supreme Prosecutors’ Office of the Republic of Korea sa joint law enforcement operation.
Kinilala ang naarestong Korean national na si Jang Sejong, na naging subject ng isang aktibong Interpol Red Notice para sa multiple fraud charges.
Ayon kay NBI Director Jaime B. Santiago, ang matagumpay na joint law enforcement operation ay isinagawa noong Agosto 8 sa condominium sa Brgy. Tambo sa Parañaque City kung saan naninirahan ang suspek.
Matapos makipag-ugnayan sa building administration at security personnel, nagpatuloy ang arresting team sa unit ng suspek at nagsilbi ng Interpol Red Notice laban sa kanya na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Dinala ang Koreanong suspek sa NBI para sa booking procedures, kasama ang fingerprinting, pagkuha ng litrato, dokumentasyon at medikal na pagsusuri.
Pagkatapos ay ibinigay na sa BI ang kustodiya nito para sa paglilitis at deportasyon.
Pinapurihan ni Santiago ang koponan. Aniya, ipinakita sa operasyon ang matatag na pagtutulungan ng mga awtoridad ng Pilipinas at Korea sa pagtataguyod ng internasyonal na hustisya, at patuloy na pangako ng bansa na hulihin ang mga takas na nagtatago sa mga hangganan nito.

