Calendar
Ang ilang bahagi ng Maynila na nalubog sa baha dahil sa walang tigil na ulan na dala ng Severe Tropical Storm Crising. Kuha ni JONJON C. REYES
NDRRMC: 6 na nasawi dulot ng ‘Crising’
UMAKYAT na sa anim ang bilang ng mga nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Severe Tropical Storm Crising (internasyonal na pangalan: Wipha) at ng pinalakas na southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.
Sa anim na nasawi, dalawa ang kumpirmado habang apat pa ang kasalukuyang bineberipika, batay sa pinakahuling situation report ng ahensya.
Ayon sa NDRRMC, ang dalawang kumpirmadong nasawi ay mula sa Northern Mindanao at Caraga Region, habang ang apat na bineberipika ay dalawa mula rin sa Northern Mindanao at tig-isa mula sa Mimaropa at Davao Region.
Sa parehong ulat, sinabi rin ng ahensya na apektado ng mga nasabing sama ng panahon ang kabuuang 362,465 pamilya o katumbas ng 1,266,322 indibidwal mula sa 2,088 barangay sa 17 rehiyon sa bansa.
Sa kasalukuyan, 4,991 pamilya o 17,116 katao ang kasalukuyang nasa 277 evacuation centers, habang 14,524 pamilya o 65,219 katao ang tinutulungan sa labas ng evacuation centers.
Ayon sa Office of Civil Defense, ang mga “apektadong” pamilya ay yaong mga nawalan ng tirahan o nangangailangan ng tulong, kabilang na ang hindi kailangang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.
Naitala rin ng NDRRMC na 1,153 kabahayan ang bahagyang nasira, habang 348 ang tuluyang nasira.
Tinatayang aabot sa P413.02 milyon ang pinsala sa imprastruktura, at P54.06 milyon naman ang pinsala sa sektor ng agrikultura.

