DHSUD

Nilindol sa GenSan, Sarangani tinulungan ng NHA

Jun I Legaspi Jun 19, 2026
31 Views

DHSUD1PINANGUNAHAN noong Hunyo 18 ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai ang pamamahagi ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa Oval Plaza, General Santos City sa 1,340 pamilya na naapektuhan ng lindol.

Ang bawat pamilya ay tumanggap ng tig-P30,000 na umaabot sa P40,200,000.

Pinangasiwaan din ni Tai ang EHAP payout sa Glan Central Integrated SPED Center sa Brgy. Poblacion, Glan, Sarangani kung saan 300 pamilya ang nakatanggap ng P30,000 bawat isa.

“Sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang NHA po ay may nakalaang pondo para sa EHAP upang makapaghandog kami ng tulong pinansyal sa mga naging biktima ng sakuna at kalamidad. Ito po ay para makatulong kami sa kanilang pagbangong muli at mabigyan sila ng pag-asa sa buhay,” wika ni Tai.

Nakatakda ding isagawa ng NHA Region XII ang iba pang EHAP disbursement events para sa natitirang pang mga pamilya sa mga susunod na araw.

Ininspeksyon din ni Tai ang Dreamville Resettlement Project sa Sitio Cabug, Brgy. Kapatan, Glan, Sarangani upang suriin ang structural integrity ng 48 sa 80 natapos na mga pabahay.

Ang proyekto, na bahagi ng NHA Resettlement Assistance Program for Local Government Unit (RAP-LGU), ay binubuo ng 80 housing units para sa mga dating Informal Settler Families (ISFs) na naninirahan sa mga mapanganib na lugar.

“With this groundwork na ginawa namin, we are continuously doing our best to work hand in hand with our local governments, most especially with the mayors of the affected cities,” dagdag ni GM Tai.

Nagpatupad din ang NHA ng isang buwang moratorium sa amortization at lease payments para sa mga existing account holders mula sa Regions 9,10,11,12, at 13 mula Hunyo 1-30 base sa direktiba ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon P. Aliling.

Nakasama ni GM Tai sa mga aktibidad na ito sina NHA XII Regional Manager Engr. Zenaida M. Cabiles, General Santos City/Koronadal/South Cotabato/Sarangani District Manager Engr. Fritzie M. Punzalan, General Santos City Mayor Lorelie G. Pacquiao, General Santos City, Sarangani Governor Rogelio D. Pacquiao na kinatawan ni Atty. Kareen Joy Solaria, Glan Mayor Victor James B. Yap, Sr., DHSUD XII OIC Regional Director Benleo T. Jarangue, OCD XII Regional Director na kinatawan ni Jerome Barranco, at iba pang lokal na opisyal.