Calendar
Oducado nais pamunuan Committee on Housing and Urban Development
PARA kay neophyte congressman Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado nais nitong pamunuan ang Committee on Housing and Urban Development na naka-angkla sa adbokasiya at programa nito bilang kinatawan ng 1-TAHANAN Party List.
Sinabi ni Oducado na marami sana itong nais isulong at tutukan sakaling mabibigyan siya ng pagkakataon na pamunuan ang House Committee on Housing dahil nakalinya ang naturang komite sa kaniyang adbokasiya at paninindigan.
Ayon sa kongresista, maraming mamamayan ang kasalukuyang walang sapat at maayos na tahanan na dapat bigyan ng kaukulang pansin ng pamahalaan at Kamara de Representantes sa pamamagitan ng mga panukalang batas at direktang aksiyon ng Kongreso.
Ikinatuwiran ni Oducado na malinaw ang naging mensahe ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa kaniyang talumpati matapos itong muling maluklok bilang lider ng Kamara na walang mamamayan ang dapat maiwan.
Dahil dito, binigyang diin ng Party List solon na kung walang Pilipino ang dapat maiwan (no one will left alone), nangangahulugan lamang aniya na dapat magkaroon ng maayos at disenteng tahanan ang bawat mamamayan bukod sa pagsusulong ng food security.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na ang usapin ng pabahay ang isa sa mga problemang kasalukuyang tinututukan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kaya dapat lamang na tumulong ang Kongreso sa pagsusulong ng libreng pabahay.
“Ito ang isa sa ating wishlist na sana ay mabigyan tayo ng pagkakataon na hawakan ang House Committee on Housing sapagkat ito ang kaniyang adbokasiya at adhikain. Nakikita ko kasi na ang pabahay ang isa sa mahalagang isyu na dapat tutukan,” wika ni Oducado.

