Calendar
OFWs sa Gitnang Silangan sinabihang makipag-ugnayan sa PH embassy
NANANAWAGAN ang OFW Party List sa mga overseas Filipino Workers (OFWs) sa iba’t-ibang bahagi ng Middle East na makipag-ugnayan sa Philippine embassy para mapadalhan ng tulong sa gitna ng tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan.
Pinayuhan din ni dating OFW Partylist Rep. Marissa Magsino ang mga Pilipino sa Gitnang Silangan na tumawag sa mga hotline na inilabas ng OFW Party List.
Ipinaliwanag ni Magsino na kung sa tingin ng mga OFWs at iba pang Pilipinong migrante na kinakailangan nilang lumikas sa kanilang lugar sapagkat naiipit sila sa lumalalang kaguluhan, kailangan nilang makipag-ugnayan agad sa mga Philippine embassy officials.
“Patuloy tayong nakasubaybay sa mga kaganapan sa Middle East. Kaya ang mainam na ginawa natin ay ipinost natin sa FB page ng OFW Party List ang mga hotlines para tawagan ito ng ating mga kababayan para sa agarang tulong mula sa mga opisyal at staff ng Philippine embassy sa kanilang lugar,” ayon kay Magsino.
Nananawagan din si Magsino sa mga Pilipino na mag-alay ng panalangin para magkaroon na ng katahimikan sa Middle East at matigil na ang giyera doon.

