BI

Biktima ng human trafficking bumalik sa PH mula China

Jun I Legaspi Mar 6, 2026
274 Views

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdating ng Filipina human trafficking victim mula sa China noong Pebrero 27 matapos maaresto dahil sa pagtatrabaho nang walang wastong visa.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang biktima ay nagtrabaho bilang tagalinis sa China sa loob ng halos tatlong taon kahit walang tamang dokumento.

“Batay sa rekord, ang biktima ay unang lumabas ng Pilipinas bilang turista patungong Vietnam bago tumawid patungong China sa pamamagitan ng isang irregular migration route,” sabi ni Viado.

Nadiskubre ng mga awtoridad sa imigrasyon ng China ang kanyang undocumented status, dahilan upang isuko niya ang kanyang pasaporte sa mga opisyal.

Ayon sa BI, naisakatuparan ang pagbabalik ng biktima sa pamamagitan ng koordinasyon sa pagitan ng embahada ng Pilipinas sa China at mga awtoridad ng China.

Tinulungan ang 33-anyos na biktima ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Binigyang-diin ni Viado na ang naturang kaso ay nagpapakita ng panganib ng ilegal na pagtatrabaho sa ibang bansa, na kadalasang sinasamantala ng mga trafficking syndicates upang makapanghikayat ng mga biktima sa ilalim ng huwad na pangakong lehitimong trabaho.