Ortega

ORTEGA DUDA SA PAHAYAG NI VP SARA

Mar Rodriguez Oct 7, 2026
109 Views

NAGPAHAYAG ng pagdududa si House Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco Paolo P. Ortega V sa pahayag ni Vice President Sara Z. Duterte na hindi pa nila napag-uusapan ng kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang posibilidad ng pagtakbo sa 2028 national elections.

Ayon kay Ortega, mahirap paniwalaan na hindi napag-uusapan ng magkapatid ang tungkol sa pulitika at sa kanilang mga posibleng plano para sa 2028.

Tumugon si Ortega sa naging pahayag ni Vice President Duterte sa isang press conference nitong Martes, kung saan sinabi nitong hindi pa umano nila napag-uusapan ng kanyang kapatid na si Baste ang 2028 elections.

Ibinahagi rin ng Bise Presidente na sinabi umano ng kanilang ina na si Elizabeth Zimmerman na bumalik na lamang siya sa Davao at ipaubaya kay Baste ang posibilidad ng pagtakbo sa isang pambansang posisyon.

Para kay Ortega, ang pahayag na wala pa silang napag-uusapan tungkol sa 2028 elections ay maaaring bahagi lamang ng kanilang political messaging.

Samantala, patuloy na magiging sentro ng usapin sa mga susunod na panahon ang mga posibleng kandidatura at political alignments para sa 2028 national elections.