Calendar
“PANAHON NA ISABATAS ANG UNIVERSAL SOCIAL PENSION”
NANANAWAGAN si United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay para sa agarang pagsasabatas ng Universal Social Pension para sa tinatayang 12 milyong senior citizens sa bansa, bilang tugon sa mga suliraning kinakaharap ng mga nakatatanda.
Sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, iginiit ni Aquino-Magsaysay na hindi sapat ang mga salita at pangako lamang upang maipakita ang malasakit sa mga nakatatanda. Kubg saan, dapat itong maisalin sa konkretong batas, proteksiyon, at serbisyong tunay na makatutulong sa kanilang buhay.
Ayon sa Lady solon, marami sa mga senior citizen ang patuloy na nakararanas ng kahirapan, kakulangan sa gamot at serbisyong pangkalusugan, kawalan ng tirahan, pang-aabuso, at pagpapabaya.
Dahil dito, buong tapang nitong ipinaglalaban ang Universal Social Pension upang maiangat ang kalagayan ng mga nakatatanda, maibalik ang kanilang dignidad, at matiyak ang kanilang karapatan at seguridad.
Binigyang-diin din ni Aquino-Magsaysay na hindi dapat ituring na simpleng paghingi ng limos ang panawagan ng mga senior citizen para sa social pension.
“Hindi sila nanlilimos. Hinihingi nila ang batayang karapatan at pagkilala na nararapat sa kanila,” pahayag ni Aquino-Magsaysay.
Nanawagan si Aquino-Magsaysay sa mga mambabatas at sa pamahalaan na gawing prayoridad ang kapakanan ng mga nakatatanda at maisabatas ang Universal Social Pension.
“Ito po ang panahon natin upang manindigan para sa halaga, dignidad, at karapatan ng ating mga Ka-UNITED Seniors,” dagdag nito.
Samantala, kaugnay ng “Elderly Filipino Week 2026”, muling binigyang-diin ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na proteksiyon, suporta at serbisyong panlipunan sa mga nakatatandang Pilipino.

