CAAP

CAAP, BI may MOU para paunlarin kaligtasan, seguridad, pasilidad sa aviation

Jun I Legaspi Oct 7, 2026
117 Views

CAAP1CAAP2CAAP3PINALAKAS ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang koordinasyon nito sa Bureau of Immigration (BI) upang higit pang paunlarin ang kaligtasan, seguridad, at pasilidad sa aviation sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan noong Martes, Oktubre 6, 2026, sa BI Main Building sa Intramuros, Maynila.

Nilagdaan nina CAAP Director General Ret. Lt. Gen. Raul Del Rosario at BI Commissioner Joel Anthony Viado ang kasunduan na nagbibigay ng balangkas para sa pagtutulungan sa larangan ng kaligtasan at seguridad sa aviation, suporta sa panahon ng irregular operations, pagpapabilis ng air transport facilitation, koordinasyon ng impormasyon, at pagsasagawa ng joint training at capacity-building.

Suportado rin ng naturang kasunduan ang pagpapatupad ng Executive Order No. 122, na nag-institusyonalisa ng Advance Passenger Information (API) System.

“Ang aming responsibilidad ay higit pa sa mga imprastrukturang aming pinapatakbo. Saklaw nito ang tiwala ng bawat pasaherong umaasa sa Philippine aviation. Ang tiwalang iyon ay nakabatay sa kaligtasan, pinatatatag ng seguridad, at pinananatili sa pamamagitan ng kooperasyon,” ani Lt. Gen. Del Rosario.

“Habang humaharap ang ating bansa sa masalimuot na hamon sa seguridad, ang institusyonal na ugnayan ng BI at CAAP ay nagbibigay-daan sa whole-of-government approach na makatutulong upang matiyak na ang mga mamamayang Pilipino at dayuhan ay makapagtatamasa ng ligtas na paglalakbay,” pahayag ni Commissioner Viado.

Binibigyang-diin ng MOU ang patuloy na pangako ng CAAP na ihanda ang Philippine aviation para sa hinaharap sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kaligtasan, seguridad, kahusayan, at koordinasyon sa buong pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Kalihim ng Transportasyon Giovanni Lopez.