Dy1

SPEAKER DY PINARANGALAN 37 RETIRADONG EMPLEYADO NG KAMARA

Mar Rodriguez Oct 7, 2026
116 Views

BINIGYANG-PUGAY ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang 37 retiradong empleyado ng Kamara de Representantes bilang pagkilala sa kanilang maraming taon ng tapat na paglilingkod sa institusyon.

Ginawa ni Dy ang pagkilala nitong Martes sa isinagawang “Salamat, Mabuhay Retirement Program” kung saan pinasalamatan nito ang mga nagretiro dahil sa kanilang mahalagang kontribusyon sa patuloy na operasyon at tagumpay ng Kamara.

“Anumang tagumpay ng liderato ng Kamara ay hindi lamang tagumpay ng namumuno o sinumang miyembro ng Kongresong ito. Tagumpay din iyon ng mga empleyadong tumutulong para gumana ang institusyong ito araw-araw. Kayo po ang nasa likuran ng bawat tagumpay ng Kongreso,” pahayag ni Dy.

Ayon sa Speaker, hindi magiging posible ang maayos na trabaho ng Kamara kung wala ang mga empleyadong naghahanda bago pa man dumating ang mga mambabatas, nananatili sa kanilang mga tanggapan sa mahahabang sesyon, at nagtatrabaho sa likod ng bawat pagdinig, dokumento at batas.

“Kadalasan, hindi nakikita ang trabaho ninyo. Ni hindi nababanggit ang pangalan ninyo. But we know you are there. And we know how important you are to the House,” sabi ni Dy.

Ibinahagi rin ni Speaker Dy na tuwing bumibisita siya sa Isabela at nakikita ang mga matagal nang empleyado sa Provincial Capitol at City Hall, naaalala niya ang mahalagang papel ng mga kawani sa pagpapanatili ng institutional knowledge at pagpapatuloy ng serbisyo publiko sa kabila ng pagpapalit-palit ng mga lider.

“Kayo ang nag-aalaga sa institusyon. Kayo ang may institutional memory. Kayo ang nakakaalam kung paano gumagana ang opisina, kung ano ang kailangang gawin, at kung paano maipagpapatuloy ang serbisyo kahit nagbabago ang mga namumuno,” sabi ng Speaker.

Binigyang-diin din ni Speaker Dy na ang malasakit ng mga empleyado sa Kamara at sa mga miyembro nito ay may katumbas na pananagutan ang institusyon na pangalagaan naman ang kanilang kapakanan.

“Kaya para sa akin, mahalaga ang prinsipyong ito: kung inaalagaan ng ating mga empleyado ang Kongreso at ang mga miyembro nito, obligasyon din namin na alagaan ang ating mga empleyado,” ani Dy.