Calendar
P1,000 allowance kada buwan bawat estudyante isinusulong
NAIS bigyang-tulong ni Senadora Loren Legarda ang lahat ng mag-aaral sa bansa sa pamamagitan ng panukalang National Student Allowance Program (NSAP) Act.
Sa ilalim nito, makatatanggap ng buwanang ₱1,000 ang bawat estudyanteng Pilipino—mula kindergarten hanggang kolehiyo—upang matustusan ang kanilang pang-edukasyong pangangailangan.
Sa panukalang batas, lahat ng estudyanteng nakatala at sumusunod sa itinakdang minimum na pagdalo sa klase ay maaaring tumanggap ng allowance. Gagamitin ito sa mga pangunahing gastusin tulad ng pagkain, pamasahe, at mga gamit sa paaralan. Ipamamahagi ang allowance sa pamamagitan ng student cards o digital vouchers na maaaring gamitin sa mga aprubadong kantina, transportasyon, at tindahan ng school supplies.
“This is not ayuda or short-term relief. This program is grounded in the belief that investing in every Filipino student is investing in the nation’s present and future,” pahayag ni Legarda.
Binigyang-diin niyang malinaw at patas ang sistemang ipatutupad upang maiwasan ang maling paggamit.
Bahagi rin ng panukala ang pagsusulong ng digital financial inclusion. Magagamit bilang basic savings o e-wallet ang student card, at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kasama ang mga katuwang na institusyon ang magtitiyak na magiging accessible ang serbisyo sa buong bansa, lalo na sa mga liblib na lugar.
Upang masiguro ang tuloy-tuloy at matatag na implementasyon ng programa, inaatasan ang Department of Finance (DOF) na bumuo ng Sustainability Framework at magsagawa ng actuarial review kada limang taon para suriin ang kakayahan ng pondo at populasyon ng mga benepisyaryo.
May kaugnay ding panukalang batas sa House of Representatives na inihain ni Congressman Leandro Legarda Leviste, bilang patunay ng iisang hangarin ng lehislatura na gawing mas abot-kamay at inklusibo ang edukasyon.
Kapag naisabatas, inaasahang mahigit 30 milyong estudyante ang makikinabang sa programa, na magpapatibay rin sa obligasyon ng pamahalaan na tiyaking dekalidad at abot-kayang edukasyon para sa lahat.

