Antique

P126M para sa Antique Airport dev’t pinakita tamang paggamit ng pondo ng bayan — PBBM

183 Views

INAASAHANG magbibigay ng malaking tulong sa lokal na negosyo, turismo, at kabuuang ekonomiya ng Western Visayas ang bagong Antique Airport, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes.

Ipinag-utos ng Pangulo sa Department of Transportation (DOTr) ang patuloy na modernisasyon at pamumuhunan sa mga paliparan ng bansa upang mapalakas ang konektibidad ng mga rehiyon at mapaunlad ang ekonomiya.

“Nagsisikap tayong maitaguyod ang isang bansa kung saan ang paglalakbay ay mabilis, maginhawa at magaan para sa bawat mamamayan. Upang maisulong ang pangarap na ito, isinagawa natin ang Antique Airport development project na magpapabilis ng biyahe patungo sa Antique at sa iba pang lugar sa Western Visayas,” ani Pangulong Marcos Jr.

Binanggit ng Pangulo na ang kabuuang gastos sa proyekto ay P126 milyon lamang, na nagpapakita ng kahalagahan ng tamang paggamit ng pondo ng bayan.

“Ang napakahalagang bagay na sinabi sa atin ng Kalihim ng Transportasyon ay kung gaano kalaki ang ibinayad para dito sa terminal na ito. At ang sabi sa akin, the total cost for all the improvements and construction was P120 million. Noong sinabi sa akin, nagulat ako. Sabi ko napakamura,” dagdag ng Pangulo.

“Ito ay magandang halimbawa na kung saan kung tama ang pinaglalaanan ng pera ng tao, makikita natin na napakarami nating kayang gawin—mas mabilis, mas mura, at mas maganda,” aniya pa.

Pinuri ni Senadora Loren Legarda si Kalihim Giovanni Lopez sa matagumpay na pagpapatayo ng world-class airport sa mababang halaga, at binigyang-diin na magsisilbing modelo ang Antique Airport para sa iba pang regional airports sa hinaharap.

“Ito ang nangyayari sa mga proyekto na at the lowest cost. The whole terminal only costs P126 million, perhaps the lowest in the Philippines. And that tower only costs P46 million. Kaya’t ang Antique Airport ay magiging modelo para sa regional at national development,” ani Legarda.

Tiniyak naman ni Kalihim Lopez na patuloy na tutuparin ng DOTr ang direktiba ng Pangulo na gawing moderno at mas maginhawa ang mga paliparan at iba pang transportasyon sa bansa.

“Parati pong sinasabi ng ating Pangulo, malinaw ang kanyang kautusan, na ang mga ganitong paliparan, pantalan, at lahat ng sektor ng transportasyon ay gawing mas moderno at mas convenient sa ating commuters,” ani Lopez.

“Tulad po ng sinabi ng ating Pangulo kanina, ang budget po para sa terminal alone [para sa Antique Airport], is P126 million. Sisiguraduhin natin na bawat sentimo napupunta sa proyekto, [kapag] napupunta sa tamang gastusin, maganda ang kinalabasan,” dagdag pa ng Kalihim.