Calendar
P1B inilaki ng OWWA trust fund
LUMOBO sa P1 bilyon ang trust fund ng Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) mula Disyembre 2024 hanggang Disyembre 2025, ayon kay OWWA Administrator Atty. Patricia Yvonne Caunan.
Sinabi ng OWWA chief na mula sa P20.3 bilyon noong Disyembre 2024, lumago ang pondo sa P21.3 bilyon.
Dagdag ng opisyal na mula sa dalawang milyong miyembro noong Disyembre 2024, nadagdagan pa ng 600,000 ang membership ng ahensya.
Ang bawat miyembro ay nagbabayad ng $25 o P1,485.75.
Tiniyak ni Caunan na naibabalik din sa mga miyembro ang kanilang ibinabayad na membership fee sa pamamagitan ng mga serbisyo mula sa pag-alis ng Pilipinas hanggang sa pagbabalik sa bansa.
Kabilang sa pakinabang ng members ang pagdaragdag ng 10,000 pang slots para sa mga bagong scholars kaya’t aabot na sa 25,000 ang scholarship grants sa mga anak ng mga kwalipikadong OFWs.
Kasama rin sa alagang OWWA, serbisyong may puso ang paglalagay ng lounges sa Terminal 1 at 3, paglalagay ng Global OFW Center at Seafarers Welfare Center, pagkakaroon ng Global Emergency and Crisis Rapid Response Program, training at upskilling support program at ang serbisyo caravan sa mga bansang maraming OFWs.

