Calendar
P2M relo, alahas ninenok; nangnenok huli
ARESTADO ang 17-anyos na kasambahay matapos umanong tangayin ang mahigit P2.31 milyong halaga ng mga alahas at relo ng kanyang amo sa Brgy. Talayan, Quezon City.
Nabisto ang pangnenenok ng suspek ng mapansin ng isang saksi na lumabas ito sa silid ng kaniyang amo habang may bitbit na paper bag na sinabing may lamang mga damit.
Dahil sa kahina-hinalang kilos, ipinaalam ng saksi sa may-ari ng unit na kalaunan ay natuklasang nawawala na ang mga alahas at maging ang cellphone nito.
Sa imbestigasyon, inamin umano ng dalagita na ang paper bag ay naglalaman ng iba’t-ibang alahas at mamahaling relo na kinuha niya sa amo.
Nahagip din sa CCTV ang dalagita habang inaabot ang paper bag sa isang hindi pa nakikilalang tao sa labas ng condominium.
Isang Redmi A2+ cellphone ang nabawi ng mga pulis, ngunit patuloy pang hinahanap ang mga nawawalang alahas at relo.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at sasailalim sa kaukulang proseso bilang child in conflict with the law (CICL) habang tinutugis din ang taong tumanggap umano ng mga ninakaw na alahas.

