Calendar
P300K insurance sa linemen, sagot ng employer; P500K multa sa lalabag
SASAGUTIN ng mga employer ang hindi bababa sa P300,000 life, accident at disability insurance ng mga line worker sa ilalim ng panukalang isinusulong sa Senado kasunod ng magkakasunod na insidente ng pagkakakuryente habang nagkukumpuni ng mga linya ng kuryente.
Sa sponsorship ng Senate Bill No. 2485 sa ilalim ng Committee Report No. 105, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na pagmumultahin ng P300,000 hanggang P500,000 ang employer na hindi magkakaloob ng kinakailangang insurance coverage.
Hindi po sapat ang pagkilala lamang sa ating mga line workers kung hindi naman natin sila bibigyan ng sapat na proteksyon laban sa mismong panganib na kaakibat ng kanilang trabaho, ani Tulfo.
Nakasaad din sa panukala ang non-diminution of benefits, na nagbabawal na gamitin ang bagong insurance requirement upang bawasan ang mga benepisyong natatanggap na ng mga line worker.
Kasabay nito, isinusulong din ang hiwalay na panukalang magtatakda ng National Line Workers Appreciation Day. Nauna nang inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 7304, na nagtatakda sa unang Lunes ng Agosto bawat taon bilang araw ng pagkilala sa mga line worker.
Ipinunto ni Tulfo ang panganib na kinakaharap ng mga line worker na nagtatrabaho sa gitna ng ulan, malakas na hangin at iba pang mapanganib na kondisyon upang magkumpuni ng mga poste at linya at maibalik ang suplay ng kuryente.
Binanggit niya ang pagkamatay noong Hulyo ng isang lineman ng Cagayan Electric Cooperative habang nagkukumpuni ng linya sa Tuguegarao City.
Ayon sa magkahiwalay na ulat ng GMA News at Philippine Daily Inquirer, namatay ang 39-anyos na lineman matapos makuryente dahil umano sa power backfeed mula sa generator ng isang residente habang nagsasagawa ng line repair. Nahulog siya mula sa elevated bucket matapos makuryente.
Noong Agosto, isang 33-anyos na lineman naman ang namatay matapos makuryente habang nag-aayos ng linya sa Mapandan, Pangasinan, ayon sa insidenteng binanggit ni Tulfo sa kanyang sponsorship speech.
Binanggit din ng senador ang dalawang lineman na nakuryente habang nagkakabit ng linya sa Surigao City noong Hunyo 28 ngunit nakaligtas matapos madala sa ospital.
Hindi po ito simpleng balita lamang. Buhay ho ang nakataya dito, ani Tulfo.
Sinabi niyang kapag naaksidente o namatay ang isang line worker, maaari ring mawalan ng ama, anak, asawa o breadwinner ang isang pamilya.
The first gives our line workers the recognition they deserve. The second gives them the protection they need, ani Tulfo, na tumutukoy sa appreciation day at mandatory insurance measures.
Kung sila ang inaasahan natin sa pagtiyak na nakakarating ang kuryente sa ating mga tahanan, dapat makaaasa rin sila sa atin kapag sila naman ang nangailangan, dagdag niya.
