Martin Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez

P360M AKAP aid, relief goods nakalaan para sa mga biktima ng pagbaha sa 36 congressional districts

283 Views

BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., may inilaang P360 milyon mula sa pondo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), mga family food packs at iba pang relief items para sa mga biktima ng baha dulot ng Bagyong Crising at habagat sa 36 na congressional district.

Ang agarang pagpapalabas ng AKAP at relief assistance ay plinantsa ng tanggapan ni re-elected Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, na Speaker ng 19th Congress, at ng Tingog Party-list katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian.

Bawat distrito ay makatatanggap ng P10 milyon bilang direktang pinansyal na tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha, paglikas at iba pang kaugnay na sakuna.

“This is just the beginning of our coordinated disaster response. Malayo pa ang mararating ng tulong na ito at hindi pa ito ang huli. Ang importante, agad nating naramdaman ang pagtulong ng administrasyong Marcos,” ani Romualdez, isang abogado mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Bukod sa pinansyal na tulong, nakahanda na rin ang mga relief pack para sa malawakang pamamahagi, kabilang na ang pagseserbisyo ng Tingog hot meals para sa mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa mga paaralan, covered court at iba pang evacuation centers.

“Nais nating iparating sa bawat apektadong pamilyang Pilipino na sa panahon ng kalamidad ay andito ang gobyerno ni Pangulong Marcos para tumulong. Lahat ito ay paalala na hindi kayo nag-iisa. Kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng pagbangon,” dagdag pa ni Romualdez.

Ang 36 congressional districts na makikinabang mula sa P360 milyong AKAP fund at iba pang kaugnay na tulong ay kinabibilangan ng mga distrito na kinakatawan nina:

Reps. Bienvenido Abante Jr., Tobias “Toby” Tiangco, Dennis “Alden” Almario, Dean Asistio, Arjo Atayde, Jorge Daniel Bocobo, Antonino Calixto, Joel Chua, Ma. Victoria Co-Pilar, Ricardo Cruz Jr., Ernesto Dionisio Jr., Edgar Erice, Jaime Fresnedi, Gerald Galang, Kenneth Gatchalian, Alexandria Gonzales, Monique Lagdameo, Giselle Maceda, Oscar Malapitan, Eric Olivarez at Antolin “Lenlen” Oreta III.

Kabilang din sa mga makatatanggap ang mga distrito nina Reps. Franz Pumaren, Romero “Miro” Quimbo, Roman Romulo, Mark Anthony Santos, Jesus “Bong” Suntay, Marcy Teodoro, Irwin Tieng, Ralph Wendel Tulfo, Rolando Valeriano, Patrick Michael “PM” Vargas, Brian Raymund Yamsuan, Ysabel Maria Zamora, Gil Acosta, Jose Alvarez at Rosalie Salvame.

Muli ring naging operational ang Relief Coordination Desk ng tanggapan ni Romualdez at ng Tingog Party-list upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga nasalanta, gaya noong panahon ng pandemya at mga naunang bagyo.

Ang desk na ito ay nagsisilbing pangunahing ugnayan ng mga apektadong mambabatas, pambansang ahensya at mga lokal na tagapagtugon.

Sa Marikina, maraming evacuees ang nakatanggap ng hot meals mula sa mga volunteer ng Tingog, at inaasahan pang dadami ito habang patuloy na tumataas ang lebel ng tubig sa ilog. Katulad na operasyon ang isinagawa sa Quezon City at Maynila.

Ayon kay Romualdez, ang maagap na paglalaan ng AKAP funds at relief goods ay repleksyon ng mga aral mula sa nakaraan kung saan naging mabagal ang pagtugon sa mga kalamidad at nagdulot ito ng matinding epekto. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kahandaan at koordinasyon.

“Natutunan na natin ang hirap kapag huli ang aksyon. Kaya ngayon pa lang, naglatag na tayo ng tulong para hindi na kailangang maghintay pa ang mga kababayan natin,” ani Romualdez.

Ang Bagyong Crising ay nagdala ng malalakas na pag-ulan sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya, dahilan ng pagbaha, pagkasira ng drainage systems at paglikas ng libo-libong pamilya.

Nagbabala rin ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng patuloy na pag-ulan sa mga susunod na araw.