PAGASA: Habagat bibira pa rin sa Luzon

131 Views

PATULOY na nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa Luzon ngayong Linggo at tatlong tropical cyclone ang namataan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Tatlong bagyo ang minomonitor ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa labas ng PAR at nakakaapekto ang habagat sa malaking bahagi ng Luzon.

Batay sa weather bulletin ng PAGASA dakong alas-3:00 ng hapon , nasa 1,950 kilometro silangan ng pinakahilagang bahagi ng Luzon ang bagyong Saudel na taglay ang pinakamalakas na hanging 165 km/h at pagbugsong umaabot sa 205 km/h.

Samantala, ang tropical depression Gaenari, na dating tinawag na Neneng, ay nasa 520 kilometro hilaga ng Itbayat, Batanes na may lakas ng hangin na 55 km/h at pagbugsong hanggang 70 km/h.

Ang isa pang tropical depression ay nasa 1,265 kilometro silangan ng southeastern Luzon, taglay ang lakas na 55 km/h at pagbugsong umaabot sa 70 km/h.

Dahil sa habagat, makararanas ang Batanes ng paminsan-minsang pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Rizal, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga lugar na ito dahil posible ang flashfloods at landslides.

Sa nalalabing bahagi ng Luzon at buong Visayas at Mindanao, magiging bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may isolated rainshowers.