Calendar
Pagbili ng palay directa mula magsasaka idiniin sa Senado
NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa National Food Authority (NFA) at mga lokal na pamahalaan (LGU) na agad na bumili ng palay at iba pang ani direkta mula sa mga Pilipinong magsasaka, kasunod ng pagbulusok ng presyo nito sa ilang lugar hanggang ₱13 kada kilo—mas mababa pa sa tinatayang gastos sa produksyon na nasa ₱14 hanggang ₱15 kada kilo.
“₱13 kada kilo ang palay? Eh nasa ₱14–₱15 ang gastos sa produksyon. Ibig sabihin, bawat kilo, lugi ang magsasaka,” aniya, habang binigyang-diin ang matinding dagok na nararanasan ng mga magsasaka sa ilalim ng kasalukuyang sistema.
Ipinanukala ni Pangilinan ang paggamit ng Republic Act 11321 o Sagip Saka Law, na nagpapahintulot sa mga LGU at ahensya ng pamahalaan na bumili ng mga produkto mula sa mga magsasaka at mangingisda nang direkta at hindi na kailangang dumaan sa bidding.
“Kung hindi pa handa ang NFA, LGUs should step in. May batas. May paraan. May pondo. Gamitin ang Sagip Saka para makabili ng bigas, gulay, at iba pang ani—presyong makatarungan, hindi presyong palugi,” iginiit niya.
Binigyang-diin pa ng senador ang kahalagahan ng pagtanggal sa mga middleman upang mas mapakinabangan ng mga magsasaka ang kanilang ani, habang mas nakakatipid naman ang pamahalaan.
“Imbes na middleman ang kumikita, diretso na sa magsasaka ang kita. Mas mura para sa gobyerno, mas malaki para sa nagtanim. Panalo lahat,” aniya.
Nagbabala rin si Pangilinan na kung magpapatuloy ang pagkalugi ng mga magsasaka, maaari itong magdulot ng panganib sa suplay ng pagkain sa bansa.
“Kapag nalugi ang magsasaka, hindi na ‘yan magtatanim ulit. At kapag walang nagtanim, walang aanihin. Kapag tumigil sila, gutom ang kasunod,” babala ng senador.
Bilang tugon sa sitwasyon, muling iginiit ni Pangilinan ang pangangailangan ng isang permanenteng pondo para magsilbing buffer laban sa pagbagsak ng presyo, gayundin ang mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng Department of Agriculture, NFA, at mga LGU tuwing panahon ng anihan.

