Tongol Atty. Reginald Tongol

Pagboto ng Senado sa pasya ng Korte Suprema posibleng maantala

325 Views

POSIBLENG hilingin ng ilang senador na bahagi ng Impeachment Court na ipagpaliban ang pagboto sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, habang nakabinbin pa ang motion for reconsideration (MR) ng Kamara.

Ayon kay Atty. Reginald Tongol, tagapagsalita ng Senado para sa Impeachment Court, maingat ang naging posisyon ng ilang senador-hukom dahil may posibilidad pang baguhin ng Korte Suprema ang desisyon nito.

“Baka inclined sila na himukin ang iba nilang mga kasamahan na hintayin na ang decision ng MR,” pahayag ni Tongol sa DZMM Teleradyo sa panayam nina Doris Bigornia at Robert Mano.

Dagdag ni Tongol, maaaring gamitin ang sesyon ng Senado sa Agosto 6 upang talakayin kung ipagpapaliban muna ang anumang pagboto hinggil sa nasabing desisyon.

“Maaari rin nilang talakayin ngayong August 6 kung isa sa mga motion na ihahain dyan ay i-defer po muna ang botohan para sa issue na ito,” aniya.

Nilinaw niyang nasa diskresyon pa rin ng bawat senador-hukom ang pasya kung itutuloy o ipagpapaliban ang boto.

Bagamat ang impeachment issue ang pangunahing tinututukan, sinabi ni Tongol na hindi pa tiyak kung magkakaroon agad ng desisyon. “Mayroon din mga senador na ganoon ang tinatahak nilang direction para bukas,” dagdag niya, na nagpapahiwatig na hati ang pananaw sa loob ng Senado.

Binigyang-diin ni Tongol na ang Impeachment Court ay hindi kusang kumikilos kundi umaasa sa mga galaw ng mga sangkot na panig. “Ang korte po isa po itong passive na body… nakabase sa mga litigants kung ano ang susunod na mga hakbangin,” paliwanag niya.

Sa ngayon, isa pa lamang sa dalawang kinakailangang sertipikasyon mula sa Kamara ang natatanggap ng Senado—isang mahalagang rekisito bago maipagpatuloy ang paglilitis.

Ipinaalam din ni Tongol na Agosto 6 tatalakayin ng mga senador-hukom ang desisyon ng Korte Suprema.