Bucor

Pagdiriwang ng BuCor ng 120th anivbersaryo, Pasko magiging payak, taimtim — Catapang

113 Views

INIHAYAG nitong Biyernes ng Bureau of Corrections (BuCor) na ang pagdiriwang ng ika-120 anibersaryo ng pagkakatatag nito sa susunod na linggo, gayundin ang tradisyunal na pagtitipon para sa Pasko, ay isasagawa sa payak at taimtim na paraan bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihing simple at mapagpakumbaba ang lahat ng pagdiriwang ng pamahalaan sa panahong ito ng pambansang pagluluksa.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., “Sa panahong ito kung kailan maraming mga komunidad ang nagluluksa at nagsisikap na muling itayo ang kanilang mga buhay matapos ang mapaminsalang bagyong kumitil ng buhay ng mahigit sandaang kababayan natin, nararapat lamang na tayo ay makiisa sa mga pamilyang nawalan ng kanilang mga mahal sa buhay.”

Dagdag pa niya, “Kaisa kami ng ating mga kababayan na patuloy na nagpapagaling mula sa pinsalang dulot ng kalamidad, at ng mga tagapagligtas na walang sawang nagsasagawa ng mga operasyon sa pagsagip, pagtulong, at rehabilitasyon.”

Sa halip na magdiwang ng anibersaryo, sinabi ni Catapang na iaalay nila ang okasyong ito sa pagmumuni-muni, panalangin, at pagpapatibay ng kanilang tungkulin bilang mga lingkod-bayan na nakatuon sa pangangalaga, reporma, at may malasakit na serbisyo, lalo na sa mga panahong higit na kailangan ng bansa ang pagkakaisa at empatiya.

Ipinahatid din ni Catapang ang kanyang taos-pusong pakikiramay sa lahat ng biktima ng nagdaang bagyo at pagpupugay sa mga nagbuwis ng buhay sa paglilingkod sa kapwa.

Sa gabay ng panawagan ng Pangulo para sa kababaang-loob, malasakit, at pagkakaisa, nananatiling matatag ang Bureau of Corrections sa kanilang misyon at nakikiisa sa sambayanang Pilipino sa panahong ito ng matinding pagsubok at pagdadalamhati, habang ipinapamalas ang di matitinag na lakas at diwa ng bayanihan, ani Catapang.