Calendar
Paghingi ng ilan na buwagin ang Senado kinumpirma
ABOLISYON ng Senado ang hinihingi ng iilan.
Ito ang kinumpirma ng dating Pangulo ng Senado kung saan ay nagbabala si Senador Juan Miguel Zubiri hinggil sa lumalalim na krisis sa Senado ng Pilipinas—mula sa hindi pagkakaunawaan sa loob, pagbaba ng tiwala ng publiko, hanggang sa pag-urong ng mga prinsipyo ng demokrasya at pagiging bukas sa lahat.
Sa isang emosyonal na press conference sa Kapihan sa Senado, hayagang ipinaabot ni Zubiri ang kanyang pagkadismaya sa Senado sa kasalukuyan.
“I’m not satisfied with the leadership of the Senate, with due respect to the Senate President,” aniya. Ayon sa kanya, nawawala na ang pagkakaisang dating kinikilala sa institusyon.
Ibinunyag niyang siya at ilang kasamahan ay hindi na nasasali sa mga mahahalagang pag-uusap at desisyon. Tinagurian nila ang kanilang sarili bilang “slapsoil” group—isang mapagbirong katawagan na hango sa salitang “hampas lupa”—na sumisimbolo umano sa kanilang pagiging isinasantabi sa mga isyung pambatas.
Ikinumpara ni Zubiri ang kasalukuyang liderato sa mga dating Senate Presidents na sina Vicente Sotto at Franklin Drilon. “Nagkokokus po tayo. Hindi po siya diktador,” aniya tungkol kay Sotto.
“There’s always consensus, and those who do not agree with it can vote. That’s the proper way.” Binigyang-diin niya na noon, pinapakinggan ang lahat ng tinig.
Nilinaw niyang wala siyang interes na muling humawak ng posisyon. “I’m no longer interested in position, prestige, or power,” aniya. Ang nais umano niyang pagtuunan ay ang integridad ng Senado. “Ang tinitingnan ko na lang ngayon ay ang integridad ng Senado bilang institusyon,” giit niya.
Lalo pang tumindi ang kanyang pangamba nang marinig ang komento ng isang kilalang radio broadcaster na aniya’y nawalan na ng saysay ang Senado: “Mas magulo pa kayo sa House. Wala na kayong saysay. Mas mabuti pa, buwagin na lang ang Senado.” Para kay Zubiri, masakit pakinggan ang ganitong pahayag at ito ay babala ng unti-unting pagbagsak ng tiwala ng publiko.
Sa huli, nanawagan siya sa kanyang mga kapwa senador: “Let’s not treat the Senate like it’s just about positions and committee assignments. It’s about how we preserve it as the last bastion of democracy.”

