Calendar
Pagkakaroon ng weekend at holiday operation ng PH embassy sa abroad pinapurihan ng OFW Party List
PINAPURIHAN ng OFW Party List group ang inisyatiba ng House Committee on Overseas Workers Affairs matapos nitong ipanukala ang pagkakaroon ng weekend at holiday operation para sa lahat ng Philippine embassy at consular offices sa iba’t-ibang bansa para matulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanilang mga pangangailangan.
Ayon kay dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino, magandang ideya ang inilatag ng nasabing Komite para hindi mahinto ang pagkakaloob ng tulong at serbisyo para sa libo-libong OFWs sa ibang bansa kahit sa panahon ng weekend at holiday.
Ipinaliwanag ni Magsino na karamihan sa mga OFWs ay naka-day off ng weekend o holiday na nagkataon naman sa nakasarado ang mga embahada at konsulado kaya hindi sila nakakakuha ng tulong at serbisyo.
Dahil dito, sinang-ayunan ng dating kongresista ang panukala na dapat magpatupad ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng rational day-off system upang manatiling bukas parin ang mga opisina sa ibayong dagat kahit sa panahon ng holiday o weekend.
Sinabi ni Magsino na layunin nito na hindi maudlot ang paglilingkod ng mga embahada at konsulado sa mga OFWs na dumudulog sa kanila para sa renewal ng passport, notarial services at pagtulong sa mga distressed Filipinos.
Pagbibigay diin ni Magsino na dapat ay laging nakabukas ang mga tanggapan ng pamahalaan sa ibang bansa upang tuloy-tuloy parin ang kanilang operation sa lahat ng oras at pagkakataon upang agad nilang matutugunan ang anomang pangangailangan ng mga OFWs.
Samantala, pinangunahan ni Magsino ang pamamahagi ng ng pangkabuhayan kasama na ang Nego Kart para sa walong-put-tatlong dating OFWs at Filipino seafarers na ginanap sa Barangay Sampaloc 3, Seamen’s Village.
Ibinahagi naman ng dalawa sa 83 benepisyaryo ang taos pusong pasasalamat sa kabuting loob ni Congresswoman Marissa Magsino para matulungan ang mga retiradong OFWs at Pinoy seafarers na magkaroon ng kaunting pagkakakitaan at kabuhayan.

