Magsino

Magsino nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing OFW

Mar Rodriguez Nov 12, 2025
335 Views

NAGPAABOT ng taos pusong pakikiramay si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino para sa pamilya ng nasawing Overseas Filipino Worker (OFW) na nahulog sa kanilang apartment sa Limassol, sa bansang Cyprus.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Magsino ang pagkakaloob ng tulong at suporta ng Department of Migrant Worker (DMW) para sa mga naulila ng OFW kung saan bumisita rin si DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa Capas, Tarlac para makiramay sa pamilya ng nasawing OFW.

Ikinagagalak din ni Magsino ang ipinagkaloob na tulong pinansiyal at suporta ng DMW para maipagpatuloy ng mga anak ng OFW ang kanilang pag-aaral hanggang sa sila ay makapagtapos. Kasama na aniya dito ang pamamahagi ng livelihood assistance at insurance benefits.

Gayunman, iminumungkahi ni Magsino sa DMW ang pakikipag-ugnayan nito sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang alamin kung mayroong nangyaring “foul play” sa pagkamatay ng OFW batay sa magiging resulta ng autopsy.

Ikinalulungkot ng dating kongresista na isa namang OFW ang nasawi sa ibayong dagat. Kung saan, muli nitong ipinahayag na napakapanganib ang pagiging isang OFW subalit napipilitan ang ating mga kababayan na makipag-sapalaran para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Kasabay nito, pinangunahan ng OFW Party List ang pamamahagi ng libreng gamot para sa libo-libong benepisyaryo ng Barangay San Juan, Taytay Rizal matapos silang mabahaginan ng libreng gamot.

Ang mga indigent residents ng nasabing lugar ay nakatanggap ng libreng gamot para sa kanilang karamdaman tulad ng sakit sa puso (Lozartan at Amlodopine) at para sa mga pasyenteng may diabetes (Metformin).

Kabilang si Nanay Beng Omandam sa mga benepisyaryo ng libreng gamot bilang bahagi ng adbokasiya ng OFW Party List na matulungan ang mga mahihirap na pasyente na walang kakayahang makabili ng kanilang gamot.