Calendar
Pagkakasama ng mga OFWs sa 4Ps program ng Marcos administration pinapurihan ni Magsino

PINAPURIHAN ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos mapasama ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pinalawig na Pambansang Pabahay para sa mga Pilipino (4Ps) program ng pamahalaan.
Kasabay nito, pinasalamatan din ni Magsino si Pangulong Marcos, Jr. dahil sa ipinapakitang malasakit ng kaniyang administrasyon para sa libo-libong OFWs upang mapabuti ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng mga programang gaya ng 4Ps.
Bagama’t may panghihinayang pa rin si Magsino matapos itong hindi mapabilang sa roster ng mga mambabatas sa ilalim ng 20th Congress, nagagalak parin umano siya dahil nakikita naman nito na puspusan ang ginagawa ng pamahalaan para tulungang mai-angat ang kalagayan ng mga OFWs.
Sinabi ng dating kongresista na napakalaking tulong ang ibinibigay na socialized housing program ng gobyerno para sa mga OFWs dahil ilan sa mga ito ang halos wala pang sariling tahanan sa kabila ng mahabang panahon na kanilang pagta-trabaho sa ibang bansa.
Ipinahayag ni Magsino na ang pabahay program ang isa sa kaniyang mga isinulong na programa noong 19th Congress para matulungan ang mga OFWs na magkaroon ng kanilang sariling tahanan na ipagpapatuloy sana nito ngayong 20th Congress.
Gayunman, muling binigyang diin ni Magsino na bagama’t hindi siya naka-upo ngayong 20th Congress, patuloy naman nitong isinusulong ang mga programa at proyekto para sa mga OFWs kabilang na dito ang pamamahagi ng ayuda para sa kanila.
Personal na pinuntahan ni Magsino ang San Mateo, Rizal upang ipamahagi ang financial assistance para sa 715 benepisyaryo sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan ang mga nabahaginan ng tulong ay ang mga OFWs sa nasabing komunidad para mabigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng hanapbuhay.
Ipinaabot din ni Magsino ang kaniyang taos pusong pasasalamat kina Luz Castilejos, Melvin Doctora at Barangay Chairman Frankie E. Lamsen dahil sa kanilang suporta para maisakatuparan ang matagumpay na pamamahagi ng tulong.

