Bukidnon Rep. Keith Flores Bukidnon Rep. Keith Flores

Paglilitis kay VP Duterte hindi optional — House prosecutor

298 Views

WALA umanong opsyon na maaaring hindi ituloy ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa inihaing impeachment case laban sa kanya, ayon kay Bukidnon Rep. Keith Flores, isa sa mga miyembro ng House prosecution panel.

“No, it is not optional. As soon as it is filed, ang understanding ko, ang obligasyon ng Senado is to hear and decide the case,” sinabi ni Flores sa isang panayam sa radyo dzMM nitong Biyernes ng umaga, iginiit na inaatasan ng Konstitusyon ang Senado na dinggin at pagdesisyunan ang mga impeachment complaint na ipapasa mula sa Kamara.

“‘Wag naman sana,” dagdag ni Flores nang tanungin kung posible bang ibasura ang kaso.

“Kasi ang obligasyon nila under the Constitution is really to hear and decide. ‘Yun naman ang nakasabi doon sa Constitution. So kung i-follow lang nila ‘yung Constitution, there is really going to be a trial,” ayon kay Flores.

Ang Mababang Kapulungan, na nag-apruba ng Articles of Impeachment laban kay Duterte bago mag-adjourn ang ika-19 na Kongreso, ay kasalukuyang naghihintay ng pormal na organisasyon ng ika-20 Kongreso kung maglalabas ito ng kinakailangang sertipikasyon mula sa Senado upang maisulong ang paglilitis.

Inamin ni Flores ang prosesong ito, na ayon sa kanya ay isang kondisyon na itinakda ng Senado bago magsimula ang paglilitis.

“Wala pang certification or compliance na magagawa until the 20th Congress is organized and starts. So that’s technically after the SONA pa,” aniya na tinutukoy ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 28.

Matapos nito, inaasahang maghahalal ng bagong liderato ang Kamara at bubuuin ang mga komite at miyembro nito.

Kumpirmado rin ni Flores na isa sa mga hinihintay na requirement ay ang sertipikasyon na ang ika-20 Kongreso ay may intensiyong ituloy ang impeachment.

“Tama po na wala pang certification or compliance na magagawa. It’s a condition set by the court na siguro if they want us to comply first before they continue, baka puwedeng gano’n ‘yung paningin,” ani Flores.

Binigyang-diin niya na habang ang Senado ay isang “continuing body,” hindi ganoon ang Kamara.

Ipinaliwanag niyang ang mga prosecutor sa impeachment case ay inihahalal ng mayorya sa Mababang Kapulungan.

“Actually, they are nominated and elected by the majority. So tingnan din natin anong mangyayari on the 20th Congress,” aniya.

Nang tanungin kung handa pa rin siyang magsilbi bilang prosecutor, tumugon si Flores ng positibo.

“I will still continue,” aniya.

“Yes sir, yes sir. Kung tatawagin ng majority,” dagdag pa niya.

“I am a member of the majority but then there are other lawyers who got also elected and baka may mas magaling sa akin. Kung sila ang mas gusto ng majority, then of course sila din ang pipiliin ng majority,” paliwanag ni Flores.

Samantala, hindi inaasahang magsisimula ang paglilitis ngayong Hulyo.

“Yes, based on the schedule given by the Senate, wala, walang mangyayari,” ani Flores.

“Mga siguro July 28, 29, after the SONA if they can convene and make some orders pa or resolve some of the legal issues raised sa answer ni VP Sara. Puwede naman. If gusto nila,” dagdag pa niya.