Cayton

Pagpapalakas ng PTCA isinulong ng NuViz solon

Mar Rodriguez Aug 3, 2026
46 Views

ISINULONG ni Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang sistema ng “Parent-Teacher-Community Association” (PTCA) upang mapaigting ang proteksyon at kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ang paghahain ni Cayton ng House Bill No. 10097 o ang PTCA Institutionalization Act ay kasunod ng panawagan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang mga hakbang para maprotektahan ang mga kabataan matapos ang trahedya sa Tacloban.

Naging mas mahalaga umano ang panukala kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan sa mga paaralan nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban at ang pananaksak sa loob ng isang paaralan sa Las Piñas.

Sa ilalim ng panukalang PTCA Institutionalization Act ni Cayton, layunin nitong gawing permanente ang ugnayan ng mga magulang, guro, at komunidad upang mas mapalakas ang learner welfare, child protection at school governance.

Magkakaroon din ng City, Municipal at Provincial PTCA Federations na magsisilbing mekanismo upang mapahusay ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang sa sektor ng edukasyon.

Ayon kay Cayton, hindi sapat na ang mga paaralan lamang ang kikilos upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata.

“Hindi sapat na ang paaralan lamang ang kumikilos. Ang kaligtasan ng ating mga anak ay pananagutan nating lahat,” ayon kay Cayton.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang layunin ng panukala ay gawing hindi lamang sentro ng pagkatuto ang mga paaralan, kundi mga ligtas na lugar kung saan ang bawat bata ay makapapasok nang may kapanatagan, matututo nang maayos, at makababalik sa kanilang pamilya araw-araw.