Speaker Faustino Bojie

Pagpasa ng 26 bills prayoridad ng Kamara

Mar Rodriguez Jul 26, 2026
44 Views

Rep. MarcosTINIYAK ng liderato ng Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na bibigyan nila ng prayoridad ang pagpasa ng natitirang 26 sa kabuuang 52 priority bills ng administrasyon, ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.

Nangako ang House leadership na gagawing priority sa pagbubukas ng first regular session sa Mababang Kapulungan ang mga priority bill ng administrasyong Marcos matapos ang ika-limang State of the Nation of the Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ayon sa House Majority Leader, ang mga prayoridad na panukalang batas na napagkasunduan ng Lehislatibo at Ehekutibo sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ay naglalaman ng mahahalagang repormang susuporta sa mga programa ni Pangulong Marcos Jr. at makikinabang din ang mamamayang Pilipino.

Binanggit din ni Marcos na kabilang sa mga prayoridad ang panukalang pag-amyenda sa Universal Health Care Act, na layuning mapabuti ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.

Nais din ng Kamara na mapabilis ang pagpapatupad ng mga batas upang mas madaling maabot ng publiko ang mga programa at benepisyong inilaan ng Kongreso.

Mayroon ding mga panukalang nakatuon sa partikular na sektor, gaya ng mga pag-amyenda sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act at Magna Carta for Small and Medium-Scale Enterprises (MSMEs).

“Dapat matanggap at maramdaman ng ating mga kababayan ang mga benepisyo na nakalaan para sa kanila sa ilalim ng ating mga batas,” ani Marcos.

Ayon pa sa kongresista, may mga nakabinbin ding panukalang naglalayong palakasin ang transparency at mabuting pamamahala, kabilang ang mga pag-amyenda sa Bank Secrecy Law at Anti-Money Laundering Act.

Kabilang sa 26 prayoridad na panukalang naaprubahan ng Kamara ang panukalang pagpapaliban sa unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na naging ganap nang batas.

Naratipikahan na rin ang bicameral conference committee report sa panukalang nag-aamyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Samantala, tatlong panukala ang kasalukuyang tinatalakay ng bicameral conference committee. Ang mga ito ang National Center for Geriatric Health; pag-amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act; at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act.

Mayroon namang 21 panukalang batas na naaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa, kabilang ang Right to Information Act; EPIRA Amendments; Waste-to-Energy Act; Amendments to the National Building Code; Blue Economy Act; National Reintegration Bill; Amendments to the Teachers Professionalization Act; Presidential Merit Scholarship Program; Extension of Estate Tax Amnesty Period; Department of Water Resources Bill; Amendments to the Bank Deposits Secrecy Law; Travel Tax Abolition; Digital Payments Act; Amendments to the Biofuels Act; National Land Use Act; Pagpapalakas at pagpapalawak ng 4Ps Act; Anti-Political Dynasty Bill; Pagpapalakas sa Bases Conversion and Development Authority; Anti-OSAEC at Anti-CSAEM Act; Anti-Fake News and Disinformation Act; at Amendments to the Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act.

May siyam na panukala naman na isusumite o hinihingan pa ng komento ng Committee on Appropriations, kabilang ang modernisasyon ng Bureau of Immigration, Magna Carta for MSMEs, Classroom-Building Acceleration Program, Magna Carta for Barangay at iba pa.