Gambling

Pagsara ng Meta PH sa account ng influencers na sangkot sa iligal online gambling pinuri

359 Views

PINURI at pinasalamatan ni Senador Joel Villanueva ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Meta Philippines, at Digital Pinoys sa kanilang pagkilos laban sa mga social media influencer na sangkot sa ilegal na online gambling.

“This is a significant step forward in our campaign to push for a total ban on online gambling,” aniya, at binigyang-diin na ang nasabing aksyon ay tugma sa kanyang adbokasiya laban sa pagsusugal sa internet.

Ayon sa ulat, mahigit 20 influencer accounts ang binura ng Meta matapos ang mga ulat ng paglabag. Ang ilan sa mga ito ay may daan-daang libo hanggang milyong tagasunod.

“Public figures have a huge responsibility, especially when it comes to promoting what is morally right,” dagdag ni Villanueva habang nanawagan siya sa pagpapatupad ng morality clauses sa mga kontrata ng influencers upang hindi maipakita ang pagsusugal bilang kaakit-akit.

Si Villanueva ang nagsulong ng Senate Bill No. 47 o Anti-Online Gambling Act na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa.

“Una po tayong nag-file noong 19th Congress. Sa mahabang panahon, para tayong nag-iisang boses sa kawalan,” aniya. “Ngayon, mas marami na ang tumitindig laban sa sugal kaya mas paiigtingin pa natin ito sa 20th Congress.”

Sa huli, iginiit ng senador ang kanyang panata na itulak ang nasabing panukala bilang tugon sa patuloy na panlipunang pinsalang dulot ng online gambling.