Tarriela

Pagsisikap ng PH govt maging transparent sa isyu ng Bajo de Masinloc mahalaga

Mario E. Bautista Jun 14, 2026
46 Views

BINIGYANG-diin ng spokesperson ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa West Philippine Sea (WPS) na mahalaga ang mga pagsisikap ng pamahalaan sa pagiging transparent upang mailantad ang mga aktibidad ng China sa Bajo de Masinloc at mapigilan ang tensyon sa WPS.

Sinabi ni Rear Admiral Jay Tarriela na ang paglalantad sa mga gawain ng China sa WPS ay isang kinakailangang hakbang matapos kumpirmahin ng mga awtoridad ng Pilipinas ang isang lumulutang na estruktura ng Tsina sa Bajo de Masinloc na kilala rin bilang Scarborough Shoal.

Hinimok na ng Pilipinas ang China na alisin ang lumulutang na estruktura at nagbabala na hindi nito papayagang gawing isang artipisyal na isla ang shoal.

Pormal ding nagprotesta ang Pilipinas laban sa estruktura, dahil sa takot na baka sundin ng Tsina ang parehong estratehiya na ginamit nito sa iba pang bahagi ng South China Sea.

Ayon kay Tarriela, ang paglalantad sa kaganapang ito ay naglalayong pigilan ang Tsina sa pagsasakatuparan ng anuman nilang plano sa Bajo de Masinloc.

“So ito ang alalahan ay isang napakahalagang hakbang to deter China from realizing kung anuman ang plano nila sa Bajo de Masinloc,” ang pahayag ni Tarriela.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na mahalaga ang tiyempo dahil ang Pilipinas ang nasa sentro ng diplomasya sa rehiyon, kabilang ang mga pag-uusap ukol sa Code of Conduct sa South China Sea.

Matagal nang pinag-uusapan ang Code of Conduct bilang isang balangkas sa pagitan ng Tsina at ng mga bansang kasapi ng ASEAN na may claim sa teritoryo upang mabawasan ang panganib ng mga insidente sa South China Sea.

“We are hoping that this kind of reputational damage will make China think twice para gumawa ng ganito,” sabi pa ni Tarriela.