Cabrera1

Pagsusuri sa unexplained wealth ni VP Sara base sa available financial records–expert

Mar Rodriguez Oct 12, 2026
28 Views

IGINIIT ng eksperto sa forensic accounting ng House prosecution panel na nakabatay sa mga available na rekord sa pananalapi ang pagsusuri sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Z. Duterte.

Sinabi ni Atty. Alexander B. Cabrera na sinuri ng kanyang pangkat ang mga balanse sa bangko, mga pumasok na pera, at mga transaksiyong kailangang alisin sa pagkukuwenta upang matukoy ang mga posibleng pagkakaiba sa pananalapi.

“Ang in-examine po namin ay ano po ’yung inflows, tapos ano po ’yung mga dapat tanggalin po doon sa inflows,” pahayag ni Cabrera sa cross-examination ni Atty. Kristine Ferrer, abogado ng depensa.

Kinuwestiyon ni Ferrer kung nasuri ba ni Cabrera ang lahat ng transaksiyon sa bangko na may kaugnayan sa Bise Presidente at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Sumagot si Cabrera na ginawa ng kanyang pangkat ang lahat ng makakaya sa kabila ng limitadong panahong inilaan sa pagsusuri.

Binigyang-diin din ng eksperto na nakasalalay ang kanilang pagsusuri sa mga dokumentong ipinagkaloob sa prosekusyon.

“Kung ano po ’yung ibigay lamang po sa amin, ’yun lang po ang puwede naming pagbasehan,” aniya.

Kinuwestiyon din ng depensa ang kawalan ng kumpletong Know Your Customer (KYC) records para sa lahat ng bank account na saklaw ng ulat.

Inamin ni Cabrera na nakatanggap ang kanyang pangkat ng mga KYC document mula sa ilang bangko, ngunit hindi mula sa lahat ng institusyong saklaw ng pagsusuri.

Kinumpirma rin niyang hindi siya personal na nagpadala ng mga liham sa mga bangko upang kumpirmahin ang mga account dahil wala siyang pahintulot mula sa mga may-ari ng mga ito.