Oducado

Pagtutok ng 20th Congress sa agarang pangangailangan ng taumbayan suportado ni Oducado

Mar Rodriguez Jul 30, 2025
264 Views

SUPORTADO ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado ang pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na tutukan ng Kamara de Representantes ang mga agarang pangangailangan ng mga ordinaryong Pilipino.

Binigyang diin ni Oducado na kaisa ni Speaker Romualdez ang 1-TAHANAN Party List sa pagtutok sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan lalo na sa isyu ng pabahay, job creation at poverty alleviation.

Sinabi ng kongresista na sisikapin din niyang tutukan ngayong 20th Congress ang mga adbokasiya, programa at commitment ng 1-TAHANAN Party List para matulungan ang mga mahihirap na Pilipino partikular na sa usapin ng pabahay.

Ipinaliwanag ni Oducado na ang adbokasiyang isinusulong ng kanilang grupo ay nakahanay sa mga programang inilatag ni Speaker Romualdez sa kaniyang mensahe pagkatapos ng kaniyang pagkakaluklok bilang lider ng Kamara de Representantes.

Sinasang-ayunan din ng neophyte Party List solon ang pahayag ng House Speaker na layunin ngayon ng 20th Congress na mailapit ang pamahalaan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng paghahain ng mga agenda na magbibigay sa kanila ng kaginhawahan.

Para kay Oducado, nasa tamang direksiyon ang tinatahak ng 20th Congress dahil sa layunin nitong matugunan ang mga pangunahing problema na lalong nagpapadagdag sa paghihirap ng maraming Pilipino partikular na ang isyu ng kagutuman.

Kasabay nito, pinapurihan din ni Oducado si Speaker Romualdez dahil sa kaniyang magandang plano para sa kinabukasan ng ating bansa at ang mahusay na pamumuno nito bilang lider ng Kamara na nagsimula pa noong nakalipas na 19th Congress.