Calendar
Pahayag ni PBBM ukol sa korapsiyon sa BIR pinapurihan
𝗣𝗜𝗡𝗔𝗣𝗨𝗥𝗜𝗛𝗔𝗡 ng Chairman ng House Committee on Public Order and Safety na si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano ang naging pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na hindi nito palalampasin ang napaulat na pang-aabuso ng isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Letter of Authority para makapangulimbat ng pera ng mamamayang Pilipino.
Sinabi ni Valeriano na ang pahayag ng Malakanyang ay nagpapakita lamang na hindi tutulugan ng Pangulo ang nasabing isyu sa pamamagitan ng pagsasagawa ng masusing imbestigasyon katulad ng kasalukuyang pagsisiyasat ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) tungkol sa maanomalyang flood control projects.
Pagbibigay diin ng kongresista na seryoso ang Pangulong Marcos, Jr. na wakasan ang korapsiyon sa pamahalaan kung kaya’t dapat lamang na maimbestigahan ang mga opisyal na mapapatunayang sangkot sa katiwalian.
Kaugnay nito, inihain ni Valeriano sa Kamara de Representantes ang House Resolution No. 514 na naglalayong magkaroon ng masusing imbestigasyon sa BIR kasunod ng pagkakasangkot ng isang opisyal ng ahensiya.
“The suspension by Secretary Frederick Go of all Letters of Authority (LOA) for BIR field audits now gives the House the opportunity to cast aside the shadows that hide the allegedly rampant harrassment, coercion and extortion operations,” sabi ni Valeriano.
Binigyang diin ni Valeriano na ang pangunahing goal ng kanilang resolution ay ang magkaroon ng accountability, transparency at justice kaugnay sa mga nangyayaring katiwalian.

