Calendar
Pamahalaan pinasalamatan sa tulong sa OFWs sa HK
𝗡𝗔𝗚𝗣𝗔𝗔𝗕𝗢𝗧 ng taos pusong pasasalamat ang OFW Party List sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa tulong na ipinagkakaloob nito para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng malaking sunog sa Tai Po, Hong Kong.
Nauna nang sinabi ni Philippine Consul-General Romulo Victor Israel, Jr. na nagbigay na ang gobyerno ng tulong pinansiyal para sa mga OFWs na naging biktima ng sunog sa HK.
Dahil dito, nagpasalamat si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino sa pamahalaan dahil sa ibinigay nitong tulong para sa mga apektadong OFWs kasunod ng kaniyang naging panawagan na kailangang magpadala ito ng karagdagang tulong para sa mga Pilipinong manggagawa sa HK.
Ikinagagalak din ni Magsino na hindi lamang financial assistance ang ipinadala ng gobyerno para sa mga OFWs. Bagkos, aktibo rin aniya ang Migrant Workers Office at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa naturang bansa para maibigay pa nila ang anomang pangangailangan ng mga OFWs para tiyakin na sila ay nasa maayos ng kalagayan.
Ayon kay Magsino, tinatayang 26 Pinoy domestic workers ang naapektuhan ng sunog sa isang residential complex sa Tai Po, District sa HK.
Kaugnay nito, inihayag ni Magsino na nagbibigay pugay ang OFW Party List para sa libo-libong OFWs na dadagsa ngayong buwan ng Disyembre upang makapiling ang kanilang pamilya sa selebrasyon ng Holiday Season.
Sinabi ng dating Party List Lady solon na ito rin ang tamang panahon para kilalanin ng pamahalaan ang napakalaking kontribusyon ng mga magsisi-uwiang OFWs para sa ating bansa sa pamamagitan ng kanilang malaking remittances.
To God be the Glory

