Rep. Marissa "Del Mar" P. Magsino

Mga OFWs na naapektuhan ng sunog sa HK kailangan ng tulong–OFW partylist

Mar Rodriguez Nov 28, 2025
342 Views

Tulungan natin mga OFWs sa HK na nadamay sa sunog

GUSTO ni dating OFW Partylist Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na magbigay pa rin ng tulong ang Philippine government sa mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong para matiyak nasa maayos na kalagayan ang mga Pinoy matapos ang malaking sunog.

Labing-siyam na OFWs ang nailigtas mula sa naganap na sunog sa isang residential complex sa Tai Po, District sa Hong Kong.

Sinabi ni Magsino na ang gagawing aksiyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng OWWA at Department of Migrant Workers (DMW) ay upang alamin kung anong tulong ang maaaring maibigay para sa 19 na OFWs at para mapanatag din ang kalooban ng kanilang pamilyang naririto sa Pilipinas.

Ayon kay Magsino, kailangan ng 19 na OFWs ang tulong ng ating pamahalaan lalo na at ilang mahahalagang dokumento at kagamitan nila ang nadamay sa malaking sunog, kabilang ang kanilang passport at employment contract.

Pinuri ng dating OFW Party List solon ang DMW sa mabilis na aksiyon nito sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga food packs at iba pang tulong para sa mga apektadong OFWs.

Ipinabatid din ni Magsino na kabilang sa mga nasagip mula sa sunog ang isang Pinay kasama ang inaalagaan nitong sanggol at ang employer nito.

Ikinalulungkot ni Magsino ang pagkasawi ng tinatayang 44 na katao batay sa ulat ng mga awtoridad sa HK.