DMW

DMW pinarangalan senior OFWs

Arlene Rivera Nov 28, 2025
322 Views

PINARANGALAN ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mga OFW senior citizens sa “OFW Senior Day Tribute” program sa DMW One-Stop Aksyon Center sa Makati City noong Huwebes.

Binanggit ng kalihim ang sakripisyo ng mga unang henerasyon ng OFWs, ang panahong wala pang cellphone dahil cassette tapes at balikbayan box ang nagsisilbing simbolo ng pagmamahal mula abroad.

Inalala rin niya ang panahon ng mahal na long-distance calls, kung saan bawat segundo ay mahalaga para makausap ang pamilya.

Binigyang-diin din ni Secretary Cacdac ang OFW Lolo at Lola na sa kabila ng matagal na pagkakalayo napalaki nang maayos at matagumpay ang kanilang mga anak.

Ayon sa Kalihim, taglay ng mga OFW seniors ang tibay, tiyaga, at malasakit na nagtataglay ng “gintong panahon” ng migrasyon.

Ipinahayag din ng Kalihim ang dagdag na utos ng Pangulo na tiyaking maramdaman ng OFWs ang buong suporta ng pamahalaan.

Kabilang dito ang Aksyon Fund para sa legal na tulong, libreng hatid-sundo papuntang OFW Hospital para sa check-up, at iba pang serbisyong pangkalinga.

Inanunsyo rin niya na sa susunod na taon ay maglulunsad ang DMW ng mga bagong programa para sa mga matagal nang naglingkod abroad bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag.