Calendar
Tranformative budget para sa DMW suportado ni Magsino


SINUSUPORTAHAN ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino ang panawagan ng Senado para sa isang “transformative” o nakapag-babagong budget para sa Department of Migrant Workers (DMW).
Binigyang diin ni Magsino na napakalaking tungkulin ang ginagampanan ng DMW para pangalagaan at maprotektahan ang libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) kaya nararapat lamang na mabigyan sila ng malaking pondo.
Sinabi ni Magsino na napakalaking kontribusyon ang ini-aambag ng mga OFWs para sa ating bansa. Kaya parang “unfair” aniya kung kakarampot o maliit lamang ang budget na ilalaan para sa DMW na siyang nangangalaga sa kapakanan at interes ng mga Migrant workers at kanilang pamilya.
Ikinalulungkot ni Magsino, bilang dating Kinatawan ng mga OFWs noong 19th Congress na tumindig at lumaban para sa kapakanan at kagalingan ng mga OFWs, kung bakit ang DMW na nagpo-protekra sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa na nagdadala ng bilyong dolyar na remittances ay nakakatanggap lamang ng maliit at kakarampot na pondo kumpara sa ibang ahensiya ng pamahalaan.
Dahil dito, iginigiit ng dating OFW Party List Lady solon na dapat magkaroon ng konsiderasyon para mabigyan naman ng nararapat na pondo ang DMW upang magampanan nila ng maayos ang kanilang tungkulin.
Kasabay nito, matapos ang matagumpay na paglulunsad ng OFW Party List ng proyekto nitong “Nego Kart” noong nakalipas na Nobyembre 13, 2025 na ginanap sa Seamen’s Village, Dasmariñas Cavite.
Ibahagi ng OFW Party List na nag-umpisa nang umarangkada ang negosyo ang ilan sa 83 benepisyaryo na nabahigan ng tulong na inilunsad ni Magsino kaagapay ang Department of Labor and Employment (DOLE).
Nagsimula na umanong mag-ikot ang mga nasabing benepisyaryo sa iba’t-ibang lugar sa Dasmariñas, Cavite at karatig lugar nito para ilako ang kanilang mga paninda gaya ng fishball, siomai, banana-Q, burger at pares, maging tag-init man o tag-araw.
Ganadong ganado naman sa pagtitinda ang mga dati at retiradong seafarers (mga dating seaman) dahil napakarami nilang parokyano. Habang ang iba naman ay nag-iikot sa mga paaralan, mga tanggapan ng gobyerno at iba pang establisyemento para ialok ang kanilang mga produkto.

