Calendar
Pamamahagi ng plaka pabibilisin, LTO nagdagdag ng tao
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng mga plaka, nagdagdag ang Land Transportation Office (LTO), ng mahigit 20 bagong tauhan upang mas mapabilis ang distribusyon.
Sa kasalukuyan, 52 tauhan ang nakatalaga sa pamamahagi ng plaka na nakakapaglabas ng humigit-kumulang 8,000 hanggang 10,000 plaka bawat araw mula sa Plate Making Plant at Courier Hub.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na ang karagdagang tauhan ay magreresulta sa dagdag na 13,000 hanggang 15,000 plakang mailalabas bawat araw.
“Gaya ng ipinangako namin sa mga motorista at sa ating mga kababayan, gagawin namin ang lahat para maayos ang problemang ito.
Tapos na ang backlog sa plaka, at gagamitin namin ang lahat ng paraan para maipamahagi ang mga ito sa tamang may-ari sa pinakamabilis na panahon,” dagdag pa niya.
Ang mga bagong tauhan ay sumailalim sa masusing screening, lalo na sa kaalaman sa paggamit ng computer at karanasan sa mabilis na proseso ng beripikasyon, na inaasahang magpapahusay sa sistema ng pamamahagi ng plaka.
“Patuloy nating pinapaganda ang sistema at patuloy din ang agresibo nating koordinasyon mula sa mga TODA (Tricycle Operators and Drivers Association) hanggang sa mga LGU upang mapabilis ang distribution process,” ayon pa kay Asec. Mendoza.
Pinangunahan ni Asec. Mendoza ang plate distribution caravan sa Robinsons Galleria sa Ortigas na pinangasiwaan ng LTO-NCR sa pamumuno ni Director Roque Verzosa III.
Nagsagawa rin ng hiwalay na plate distribution caravan sa SM Mall of Asia kinabukasan.
Sa buong bansa, nagsagawa rin ng kani-kanilang distribusyon ng plaka ang mga LTO Regional Director at District Office head katuwang ang iba’t ibang grupo.

