Calendar
Pamamaril sa Taclo, Zambo nagtulak kay Aquino isulong School Safety Act
NANAWAGAN si Sen. Bam Aquino sa pagpasa ng panukalang batas na mag-aatas sa mga paaralan na magkaroon ng safety plans kasunod ng mga pamamaril sa Tacloban at Zamboanga.
Sinabi ni Aquino na balak niyang i-sponsor sa Miyerkules ang Senate Bill No. 2390, o ang panukalang Comprehensive School Safety Act.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ng School Safety Framework at aatasan ang mga lokalidad na bumuo ng sarili nilang balangkas na lalahukan ng mga paaralan, kaukulang ahensya ng pamahalaan at komunidad.
Layunin din ng panukala na palakasin ang pag-iwas, pag-uulat at pagtugon sa karahasan, bullying, cyberbullying at iba pang banta sa mga mag-aaral at kawani ng paaralan.
“Marami talagang kailangang gawin and I’m hoping we can get support for the School Safety Act. Ilagay natin doon lahat ng kinakailangan at mga magagandang ideya at isulong po natin ito,” sinabi ni Aquino.
Hindi lamang pisikal na seguridad ang dapat pagtuunan sa kaligtasan sa paaralan kundi pati ang pakikilahok ng mga magulang, guro, mag-aaral, ahensya ng pamahalaan at iba pang miyembro ng komunidad.
“Maganda nga na magsimula tayo to address this as a community, mapag-usapan, mabuo itong framework na ito, malaman iyong mga protocol at maging mas klaro sa bawat sektor ng komunidad kung ano po yung role nila,” aniya.
Binanggit ni Aquino ang kanyang pakikipag-usap sa mga mag-aaral, magulang at opisyal ng Ateneo de Zamboanga University kaugnay ng papel ng komunidad sa pagpigil sa karahasan.
Nauna nang iminungkahi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang community town hall meetings sa mga paaralan kung saan maaaring tukuyin ng mga magulang, guro, mag-aaral, religious leaders, school officials, business groups at iba pang stakeholder ang mga problemang partikular sa kanilang komunidad.
Hinimok din ni Aquino ang mga magulang na bantayan ang mga nakikita ng kanilang mga anak at gumamit ng parental controls sa kanilang mga device upang malimitahan ang access sa mararahas na laro at iba pang content na hindi para sa mga bata.
Nanawagan din siya na sanayin ang mga student leader, guro, religious leader at iba pang miyembro ng komunidad upang makilala ang mga babalang palatandaan at makatugon sa mga alalahaning maaaring mauwi sa karahasan.
Dapat ding talakayin ang iba pang panukalang nasa labas ng hurisdiksyon ng Committee on Basic Education, kabilang ang age-based restrictions sa social media access, mas mabibigat na parusa kaugnay ng loose firearms, pananagutan ng mga magulang o guardian kapag nagamit sa maling paraan ang kanilang mga baril, at mga amyenda sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children law.
“It takes a community to raise a child, it also takes multiple bills and multiple reforms to try to address this issue. Aksiyunan natin, ipasa natin ang mga panukalang ito,” ani Aquino.

