Calendar
Panukala magtatakda ng 5 taong termino sa barangay, SK officials
SINABI nitong Lunes ni Senador Francis “Chiz” Escudero na layunin ng Senate Bill No. 2387 na magtakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sa halip na basta pahabain ang kanilang kasalukuyang termino.
Ipinaliwanag ni Escudero ang pagkakaibang ito sa pagdinig ng Senate Committee on Local Government sa mga panukalang may kinalaman sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
“My bill does not extend. My bill fixes,” ani Escudero.
“The natural effect will, of course, be to postpone the upcoming election, but the subject matter of this bill is fixing the term,” dagdag niya.
Sinabi ni Escudero na layunin ng panukala na tugunan ang paulit-ulit na pagpapaliban ng Kongreso sa barangay at SK elections at mabawasan ang pagkakataong magsabay ang lokal at pambansang halalan.
Sa ilalim ng panukala, bibilangin ang kasalukuyang termino ng mga opisyal sa panahon ng transisyon upang hindi sila magkaroon ng karagdagang termino dahil lamang sa pagbabago ng haba ng panunungkulan.
Layunin din ng panukala na mabigyan ang mga opisyal ng barangay at SK ng mas mahabang takdang panahon upang gampanan ang mga programa sa komunidad, disaster response, at peace and order functions.

